Mag-live-in partner natagpuang patay sa Caloocan
Rj Capin March 27, 2023 at 11:36 PMNatagpuang patay ang isang lalaki at ang kaniyang kinakasamang babae sa lungsod ng Caloocan noong Linggo, Marso 26.
Kinilala ang mga nasawi na sina Julieta Espinola, 46-anyos, at Edgardo Mananquil, 50-anyos.
Ayon sa mga kawani ng Phase 4, Package 6, Barangay 176, bandang alas 8:30 ng umaga nang nadiskubre ni Aizy Isaac, 29, anak ni Espinola, na wala nang buhay ang mag-live-in partner.
Ayon kay Capt. Nelson Dizon ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) na siyang nag-iimbestiga sa kaso, ang mag-asawa ay nakatira kasama ng mga anak ni Espinola sa loob ng dalawampung taon.
Ayon pa kay Dizon, bago sila natagpuang patay, nagtalo ang mag-asawa dakong alas-5 ng hapon hanggang hatinggabi.
Kuwento naman ni Marcos Isaac, 22, isa sa mga anak ni Espinola, madalas mag-away ang mga nasawi dahil sa selos.
Dagdag pa ng ilang kapitbahay, madalas umanong nagtatalo ang dalawa at humahantong sa malalang sigawan dahil sa matinding selos ng lalaki.
Natagpuan ang katawan ni Espinola na nasa kahoy na sofa sa sala habang si Mananquil ay nakahandusay sa sahig malapit sa kanya. Saad ng pulisya, parehong nagtamo ng saksak ang dalawa at nakita ang isang kutsilyong pang-kusina na may habang 13.5 inches malapit sa paa ng lalaki.
Ayon naman kay S/Sgt. Michael Formento, isa sa mga imbestigador ng kaso, hindi pa nila matukoy sa ngayon kung sino ang sumaksak sa mga biktima sapagkat ‘circumstantial’ pa lamang aniya ang lahat. Lumalabas din sa kanilang pagsisiyasat na walang palatandaan ng sapilitang pagpasok sa bahay.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang mga awtoridad sa imbestigasyon sa kaso.
Photo: Michael Varcas