Mahigit 2.5-M shabu nasamsam sa buy-bust; Bagong gusali ng police, BFP at post office ipapatayo ng LGU
Reggie Vizmanos January 16, 2024 at 07:38 PMAabot sa mahigit 2.5 milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang lalaki sa isang buy-bust operation sa Barangay 175, Caloocan City. Isinagawa ang operasyon ng Caloocan City Police Station (CCPS) sa pakikipag-ugnayan sa Northern Police District (NPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Regional Office NCR.
Kinilala ni City Chief of Police Col. Ruben Lacuesta ang mga naaresto na sina Alias Ian, 32 anyos, residente ng Barangay 176 Caloocan City; at Alias Kulot, 42 anyos na naninirahan sa Gaya Gaya Heroes Ville, Bulacan.
Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 375.6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may standard drug price (SDP) na Php 2,554,080.
Ang operasyon ay pinangunahan ni CCPS Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Acting Chief, Police Captain Emmanuel Aldana at PSSg Russel Ortega na nagsilbing poseur buyer.
Sinabi ng pulisya na dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa paggamit ng droga, at nang nakalaya na ay nagbenta naman umano sila ng shabu.
Meron umanong nagco-consignment o namumuhunan sa kanila para magkaroon sila ng malaking halaga ng shabu na kanilang ibinebenta sa Caloocan at Bulacan.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Inaalam na ng pulisya ang source o pinagkukunan ng mga suspek.
Samantala, magpapatayo ang lokal na pamahalaan ng bagong gusali ng Caloocan City Police Station, gayundin ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Caloocan, at Post Office.
Nagsagawa na ng occular inspection sa lugar na pagtatayuan nito si Mayor Along Malapitan, kasama si Chief of Police Col. Lacuesta at City Fire Marshal FSupt. Eugene Briones.
Ang mga paghahanda para sa proyekto ay pinangangasiwaan nina City Administrator Aurora Ciego at City Engineering Department Head Engr. Errol Bitanga.
Ang nasabing mga gusali ay itatayo sa bahagi ng Sangandaan.
Photo:Northern Police District PIO FB, BFP NCR Caloocan FB