Mahigit 500 frontliner, nabakunahan sa lungsod ng Caloocan; Kabuuang bilang ng nagamit na bakuna nasa mahigit 430,000 na
Ace Cruz July 2, 2021 at 08:48 AMUmabot sa mahigit 500 na mga economic frontliner o mga indibidwal na kabilang sa A4 priority group ang nabakunahan sa unang araw ng Hulyo sa lungsod ng Caloocan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan na ang mga economic frontliner ay nabakunahan sa Bulwagan Katipunan sa bagong city hall ng lungsod, makaraang italaga ang lugar bilang special vaccination site.
Kabilang sa mga nabigyan ng bakuna kontra COVID-19, ay mga miyembro ng pulisya, government workers at iba pang mga pre-listed economic frontliners mula sa pribadong sektor.
Sa isang pahayag, sinabi ni Malapitan na ang pagbigigay ng bakuna sa mga economic frontliners sa lungsod ay isang magandang hakbang para matiyak ang kanilang kaligtasan. Ito rin ang dahilan kaya naglaan ang lokal na pamahalaan ng vaccination site para lamang sa nabanggit na priority sector.
“Batid natin na mahalagang mabakunahan ang mga essential workers na silang nagsisilbing lakas ng ating ekonomiya,” ayon kay Malapitan.
Samantala, sa pinakahuling datos na inilabas ng Caloocan Health Department, umabot na sa 431,962 ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 vaccine na nagamit. 346,772 sa mga ito ay para sa unang dose habang ang nalalabing bilang naman ay para sa ikalawang dose.
Photo courtesy of Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan Fb Page