Mahigit 5,300 na bakanteng trabaho iaalok sa Mega Job Fair sa Caloocan
Paulo Gaborni July 7, 2023 at 07:16 AMMahigit 5,300 na bakanteng trabaho ang inilaan para sa mga residente ng Lungsod ng Caloocan sa isang “Mega Job Fair” na isasagawa ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), sa Biyernes, Hulyo 7, sa Caloocan City Sports Complex.
Iniimbitahan ni Caloocan City Mayor Along Malapitan ang mga walang trabaho gayundin ang mga naghahanap ng career growth na bisitahin ang mega job fair at maghanap ng mga oportunidad na maaari nilang mapakinabangan.
“Inaanyayahan ko po ang mga job seekers natin na pumunta sa Mega Job Fair ng pamahalaang lungsod. Sulitin po natin ang pagkakataon na ito upang makahanap ng maayos na hanap-buhay,” ayon kay Mayor Malapitan.
Nagpapasalamat ang alkalde sa PESO at sa 53 na partner companies na nagsikap para maisakatuparan ang naturang event. Nangako rin siya na ipagpapatuloy ang pagsisikap ng kanyang administrasyon sa pagbibigay-prayoridad sa mga proyektong pangkabuhayan at trabaho upang mabigyan ng mas maayos na pamumuhay ang mga residente ng Caloocan.
“Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na ako sa pagtutulungan ng PESO at ng mga katuwang na ahensya at private companies upang magbigay ng maayos, ligtas, at disenteng trabaho para sa mga Batang Kankaloo,” wika ni Mayor Malapitan.
“Alam po natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at stable na hanap-buhay kaya naman po prayoridad ng pamahalaang lungsod na gumawa ng mga programang maglalapit ng mga oportunidad sa ating mga kababayan. Asahan po ninyo na mada-dagdagan pa ang ganitong mga klase ng proyekto para sa ikauunlad ng Lungsod ng Caloocan,” dagdag niya.
Photo: Mayor Along Malapitan FB