Mahigit 90k halaga ng shabu nasamsam sa Caloocan; tatlong pusher arestado
Reggie Vizmanos January 5, 2024 at 10:39 PMMahigit Php91,100 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa tatlong pusher na naaresto sa buy-bust operation na isinagawa ng Northern Police District (NPD) at Caloocan City Police Station (CCPS) sa pakikipag-ugnayan sa Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA-Regional Office NCR).
Kinilala ni Caloocan Police Chief Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong pawang mga tiga-Caloocan na sina: Alias TOPHER, 27 anyos, ng Barangay 120; Alias JUNIOR, 42 anyos ng, ng 10th Avenue; at Alias DEKDEK, 26 anyos, ng 3rd Ave., Barangay 120.
Pinangunahan nina PCPT Emmanuel Aldana, Acting Chief ng Station Drug Enforcement Unit, at PCpl Andy Mojal ang buy-bust operation na ikinaaresto ng tatlong suspek sa bahagi ng 2nd Avenue, Barangay 120, sa lungsod.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Col. Lacuesta sa kaniyang text message sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, “Ang pagkaaresto ng tatlong drug personalities ay bunsod sa direktiba ng ating butihing Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na mas paigtingin pa natin ang operasyon laban sa illegal drugs.”
Dagdag niya, “Dahil dito, ang panukalang City Ordinance na tinawag nating Informants Reward System na ang may-akda ay si City Councilor Arnold Divina ay malapit na maaprubahan ng ating mahal na mayor at mas marami na tayong makakalap na impormasyon laban sa mga taong may gawain na paglabag sa batas dahil yung pabuya na galing sa City Government ay pangunahing dahilan para mag-report at magbigay ng mahahalagang impormasyon at alam naman natin na malaking tulong financial din sa mga informants itong pabuya. Sa pamamagitan nito aasahan natin na dadami ang matatagumpay na operasyon hindi lang sa illegal drugs kundi pati ang most wanted persons at loose firearms dito sa ating lungsod.”
“Titiyakin natin na mas mapapanatili pa natin ang payapa at kaayusan sa bawat sulok ng syudad,” sabi pa ni Col. Lacuesta.
Photo: Northern Police District (NPD) PIO