Mahigit dalawang milyong pisong halaga ng shabu, nasabat sa Lungsod ng Navotas
Ace Cruz July 2, 2021 at 08:43 AM
Nasabat ng mga awtoridad sa Lungsod ng Navotas ang tinatayang mahigit 2.8 milyong pisong halaga ng shabu mula sa dalawang suspek na kinilalang sina Emma Parago at Mercy Sedon.
Sa pahayag ng pulisya, inaresto nila ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod dakong alas-8:40 ng gabi sa unang araw ng buwan ng Hulyo.
Narekober diumano mula sa mga suspek ang 17 sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng tinatayang 420 gramo ng shabu na may street value na P2,856,000; isang smartphone, at aabot sa ?30,000 na ginamit bilang marked money sa naturang buy-bust operation.

Matapos nito ay agad na dinala ng mga operatiba ng Navotas Police ang dalawang suspek sa tanggapan ng pulisya. Sasampahan sila ng paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002.
Samantala, pinapurihan ni Police Major General Vicente Danao Jr., ang mga kawani ng pulisya na nakuhuli sa mga suspek na sangkot sa iligal na droga.
“Hindi matatawaran ang sipag at dedikasyon ng ating mga kapulisan upang masugpo ang talamak na bentahan at paggamit ng iligal na droga sa Kamaynilaan. Patuloy ang paglulunsad ng mga ganitong klaseng buy-bust para matukoy ang puno’t dulo ng lahat ng mga iligal na gawain na may kaugnayan sa droga at kriminalidad,” pahayag ni General Danao.
Photo courtesy of NCRPO PIO