Mahigit isang libong babae sa Caloocan, nakatanggap ng libreng Cervical Cancer screening
Rj Capin March 17, 2023 at 07:41 PMInanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na may kabuuang 1,102 kababaihan ang sumailalim sa libreng cervical cancer screening na may kasamang breast examination at risk assessment sa sabay-sabay na health activities na isinagawa ng 44 na health center sa Lungsod ng Caloocan. Ipinatupad ang proyekto mula March 13 – 17.
Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, layunin ng programang ito na siguruhin ang kaligtasan ng mga kababaihan sa lungsod laban sa mga sakit at komplikasyon ng cervical at breast cancer.
Dagdag pa niya, “bukod po sa cervical screening ng City Health Department, mayroon po tayong libreng mammogram sa CCNMC [Caloocan City North Medical Center] tuwing Biyernes, libreng breast ultrasound sa CCMC tuwing Lunes, pati na rin po ang libreng pelvic ultrasound at pap smear tuwing Martes.”
Ayon pa sa alkalde, idinaos ang nasabing aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women’s Month sa lungsod.
Photo: Caloocan City Public Information Office FB