Mahigit P2-M na halaga ng hinihinalang shabu nasamsam sa Caloocan
Reggie Vizmanos February 8, 2024 at 02:58 AMUmaabot sa 310 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php 2,108,000 ang nasamsam ng mga otoridad sa isang lalaki sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan.
Ang operasyon ay isinagawa ng Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD – DDEU).
Ayon kay NPD District Director P/BGen. Rizalito Gapas, ang naturang buy-bust operation sa 3rd Street, 6th Ave., Brgy. 115, Caloocan City, ay pinangunahan nina DDEU OIC PMaj. Jeraldson Rivera at DDEU Asst. Chief PCapt. Regie Pobadora, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Regional Office NCR at sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang naarestong lalaki ay kinilalang si Jon-Jon Cabingas y Lomboy alyas “Junjun”, 43 anyos, walang trabaho at residente ng Grace Park, Caloocan City, at nakadeklara bilang isang High Value Individual (HVI).
Nakumpiska ng mga pulis mula kay Cabingas ang gamit niyang motorsiklo at isang itim na bag.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act (R.A.) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinapurihan ni NCRPO Chief, Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na nakaaresto sa nasabing suspek.
Photo: NCRPO PIO