| Contact Us

Mahigit sa dalawang libong delivery riders nabakunahan kontra COVID-19 dahil sa drive-thru vaccination program ng Caloocan City

Ace Cruz August 19, 2021 at 05:43 AM

Isang tagumpay na maituturing ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan ang kanilang drive-thru vaccination program na sinimulan nitong August 17, 2021 sa Caloocan Sports Complex at SM Sangandaan.

Kaagad nakapagtala ng mahigit sa 2,000 pre-listed delivery riders na kabilang sa A4 category ng vaccination program ng bansa ang nabakunahan sa pagbubukas pa lang ng programa. Pumalo naman sa 800 ang bilang ng pre-listed delivery drivers ang nabigyan ng bakuna kontra COVID-19 nitong August 18.

Dahil dito, labis ang naging pasasalamat ng mga delivery rider na nakatanggap ng bakuna dahil kahit papaano’y may panabla o may dagdag proteksyon sa COVID-19 maging sa iba’t ibang mga variant nito.

Kasunod nito, binigyang diin ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan na ang naturang hakbang ay para tapatan ng lungsod ang tapang ng mga delivery rider na harapin ang banta ng virus makapaghatid lamang ng kanilang serbisyo sa gitna ng umiiral na mahigpit na community quarantine.

“Inuna natin bakunahan sa launching ng inisyatibong ito ang ating mga delivery rider na batid nating mahalaga higit na ngayong ECQ. Gusto natin sila ay protektado rin nang sa gayon ay protektado rin maging ang kanilang mga pamilya at mga kliyente,” saad ni Mayor Malapitan.

Mababatid na sa pinakahuling tala ng Caloocan City Health Department, umabot na sa 1,011,755 ang kabuuang bilang ng mga bakunang naiturok na sa lungsod.

Sa naturang bilang, 648,349 sa mga ito ang nakatanggap na ng initial dose ng bakuna habang ang nalalabing bilang naman ay pawang mga fully vaccinated na.

Sa huli, patuloy ang paalala ni Malapitan sa mga nasasakupan nito na mahigpit na sumunod sa umiiral na mga health protocols kontra COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at ang pagpapabakuna kontra COVID-19.

Photo courtesy of Mayor Oscar “Oca” Malapitan Fb Page

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last