Marilao LGU, pinaigting ang kampanyang ‘Anti-Epal’ sa Task Force Baklas
Angelo Calixtro April 14, 2026 at 07:25 PM
MARILAO, BULACAN — Nagsagawa ng malawakang operasyon ang Pamahalaang Bayan ng Marilao sa ilalim ng Task Force Baklas upang ipatupad ang kautusan laban sa mga materyales na may pangalan at larawan ng mga politiko.
Ang hakbang ay alinsunod sa Department of the Interior and Local Government Memorandum Circular No. 2026-006 na may kaugnayan sa Anti-Epal campaign, na naglalayong alisin ang mga hindi awtorisadong tarpaulin at signage sa mga pampublikong lugar.
Layunin din ng inisyatibo na mapanatili ang kaayusan sa mga pampublikong lugar at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon laban sa maagang pangangampanya at personal na pagpapakilala ng mga politiko gamit ang mga pampublikong espasyo.
Sa pangunguna ni Marilao Mayor Jem Sy, isinagawa ang pagtanggal ng mga materyales sa iba’t ibang barangay noong ika-13 ng Abril, kabilang ang mga nakakabit sa puno at iba pang hindi angkop na lokasyon.
Nakiisa rin sa operasyon ang kinatawan ng alkalde na si Special Assistant Ronnie Mendoza, kasama si Special Assistant for Traffic Management Rodel Policarpio, ang Philippine National Police Marilao, at iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
📷 MarileNews FB