Mayor Oca Malapitan, nakarekober na sa COVID-19; Pagbabakuna sa mga vulnerable sector, iginiit
Ace Cruz September 7, 2021 at 08:51 AMNakarekober na sa COVID-19 si Caloocan City Mayor Oca Malapitan.
Ito ang kanyang kinumpirma sa isang post online at sinabing natapos na rin ang kanyang mandatory quarantine.
Ayon kay Malapitan, lubos siyang nagpapasalamat sa mga nag-asikaso sa kanyang pag-quarantine noon, gayundin sa mga dasal na ipinaabot sa kanya.
Bukod aniya sa hindi mabilang na mga mensahe ng paggaling sa publiko, nagpapasalamat ang alkalde sa Maykapal para sa agaran niyang pagrekober sa virus.
Kasunod nito, nanawagan si Malapitan sa mga residente ng lungsod lalo na aniya ang mga indibidwal na kabilang sa vulnerable sector na magpaturok na ng COVID-19 vaccines.
“Gagamitin ko na rin ang pagkakataong ito upang hikayatin ang mga mamamayan, higit na ang mga senior citizen na katulad ko na magpabakuna na kontra COVID-19,” saad ng alkalde.
Binigyang diin pa ng alkalde ang kahalagahan ng bakuna, sa katunayan aniya ay fully vaccinated na siya ng Astrazeneca vaccine bagay na malaki ang naiambang kaya’t hindi nakaranas ng malalang epekto ng COVID-19.
Nauna rito, noong August 25, 2021 ay inanunsyo ng alkalde na siya ay dinapuan ng virus.
Photo courtesy of Mayor Oscar ‘ Oca’ Malapitan Fb Page