Menor de edad, patay sa gulpi ng SK Kagawad
Anna Hernandez October 28, 2024 at 08:35 PM
MAYNILA— Isang 15-anyos na binatilyo ang nasawi matapos umano siyang bugbugin ng isang Sangguniang Kabataan (SK) kagawad at kasama nito sa Sta. Ana, Maynila noong Biyernes ng gabi (Oktubre 25).
Kinilala ang biktima sa pangalang “Khrisnard,” residente ng Barangay Hulo, Mandaluyong City, na sinamahan ang kanyang mga kabarkada sa Punta, Sta. Ana. Idineklara siyang dead on arrival sa Sta. Ana Hospital sanhi ng traumatic head injury.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nahuli agad ang mga suspek na sina alyas “Irineo,” 23, SK kagawad, at alyas “Mark,” 18, parehong residente ng Barangay 894, Punta, Sta. Ana.
Base sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-9:10 ng gabi sa F. Manalo St., Punta, Sta. Ana. Nagtungo umano ang grupo ng biktima sa isang parke nang biglang akusahan ni Irineo ang binatilyo na binastos ang kaniyang nobya.
Sinubukan ng mga tanod ng Barangay 894 na awatin ang mga suspek, at pansamantalang natigil ang kaguluhan. Pero nang bumalik umano sa barangay hall ang biktima, muling ikinagalit ito ng SK kagawad.
Hinabol ng mga suspek ang biktima, at nang makorner ay pinagtulungan umano siyang bugbugin hanggang mawalan ng malay. Isang concerned citizen ang nagdala sa binatilyo sa ospital.
Sa ngayon, isinailalim na ang mga suspek sa inquest proceedings sa Manila Prosecutors’ Office para sa kasong murder, ayon sa MPD Public Information Office.
📷 Manav Jain, Unsplash