Mga bagong kaganapan sa Caloocan
Reggie Vizmanos December 4, 2023 at 06:15 PM
Nalalapit na ang pagbubukas ng University of Caloocan City (UCC) – College of Engineering sa Bagong Silang campus, ayon sa lokal na pamahalaan.
Sinabi ng LGU na kumpleto ang mga pasilidad ng bubuksang kolehiyo. Bukod sa mga lecture rooms ay mayroon din itong library at mga laboratories na angkop sa iba-ibang kurso sa ilalim ng Engineering Program.
Ang Engineering Program ay magiging dagdag sa mga de-kalidad na kurso sa UCC na epektibong pinangangasiwaan ni University OIC Dr. Marilyn De Jesus.
Umani naman ng papuri mula sa mga Caloocan netizens ang pagpapatayo ng College of Engineering. Karamihan sa mga pumuri sa proyekto ay nagsabing mabuti ito dahil hindi na malayo ang biyahe ng mga anak nilang nag-aaral ng engineering course sa ibang unibersidad.
Samantala, umaabot sa 1,471 residente ng lungsod ang bumubuo ng panibagong batch ng mga naging kalahok sa Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD).
Sumailalim na sila sa orientation seminar na ginanap sa Caloocan High School.
Ayon kay Congressman Oca Malapitan, ang naturang TUPAD project ay ipinadaloy sa kaniyang Congressional office at pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi pa ng kongresista na umaasa siyang makatutulong ang proyekto sa mga kasalukuyang walang trabaho o kaya ay kulang ang kinikita.
Sa iba pang balita, arestado ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan City Police Station (CCPS) at Northern Police District (NPD) ang isang 60-anyos na lolo na nakadeklara bilang Most Wanted sa lungsod dahil sa kasong rape.
Kinilala ni CCPS Chief PCol Ruben Lacuesta ang naarestong si Alyas Larry, 60-anyos na biyudo, walang trabaho at nakatira sa Barangay 166, Caybiga, Caloocan City.
Ang manhunt laban sa akusado ay pinamunuan nina District Special Operation Unit (DSOU) Chief, PLtCol Robert Sales, at PMaj Jerry Garces.
Ang warrant of arrest laban sa akusado ay inisyu naman ng RTC Branch 131 noong Nobyembre 13, 2023 para sa mga kasong rape (4 counts), statutory rape (2 counts) at lascivious conduct (2 counts).
Samantala, mahigpit na pinaalalahanan ng pulisya ng Caloocan ang mga batang estudyante hinggil sa pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot at iba pang krimen at masasamang gawain na posibleng makabiktima o makaimpluwensya sa mga kabataan.
Ang aktibidad ay pinangunahan nina CCPS Community Affairs Section (CAS) Acting Chief, Police Captain Marcelina Pino at Police Captain Ma. Magdalena Obrial ng Women and Children Protection Desk.
Sa pakikipag-ugnayan sa Sta. Quiteria Police Sub-Station ay pinulong nila ang mga Grade 7 at Grade 8 students ng Baesa High School at tinalakay ang mga masamang dulot ng iligal na droga sa kalusugan, isip, ugali at pagkilos ng sinumang gagamit nito, at ang mga rape, pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga kabataan at mga babae.
Sinabi ng CCPS na bahagi ito ng Project READY (Resistance Education Against Drugs for the Youth) gayundin ng 18-Day Campaign To End Violence Against Women (VAW) at ng National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children.
Photo: Along Malapitan FB, Congressman Oca Malapitan FB, NPD PIO FB, Caloocan PS React FB