Mga Balita sa Caloocan ngayong linggo
Reggie Vizmanos September 10, 2023 at 09:42 PM- Caloocan police at simbahan nagdaos ng seminar hinggil sa pag-iwas sa rape at pambabastos
- 33 katao nahuli sa paglabag sa mga city ordinance
- Mga job opening inihayag ng PESO
- 42 kabataan pasok sa SPES
Nagsagawa ng Seminar on Protection of Minors ang Caloocan City Police Station (CCPS) at ang simbahang Katoliko sa lungsod para sa mga kabataang estudyante, kasama ang kanilang mga magulang, mga guro at mga lider ng mga komunidad.
Ginanap ang talakayan sa Saint Gabriel the Archangel Parish sa pangunguna nina Women and Children Protection Desk (WCPD) Chief PCpt. Ma. Magdalena Obrial, PCpl. Abegail Gutierrez at Parish Priest Rev. Fr. Leandro Magnait.
Kabilang sa mga tinalakay ang Republic Act (RA) 8353 o Anti-Rape Law at ang RA 11313 o Safe Spaces Act na tinatawag ding Bawal Bastos Law. Namahagi rin ang CCPS sa mga dumalo ng mga babasahin at iba pang information materials tungkol sa naturang usapin.
Samantala, 33 katao ang hinuli ng mga otoridad ng Caloocan dahil sa paglabag sa ibat-ibang mga ordinansa ng lungsod.
Ayon kay CCPS Assistant Chief PMaj. Rengie Deimos, ito ay sa pamamagitan ng kanilang isinagawang Simultaneous Anti-criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) kung saan ay naaresto rin nila ang isang 8th Most Wanted Person (Station Level) gayundin ang isang Wanted person na may kasong Attempted Homicide.
Sa balitang trabaho, inihayag ng Public Employment Service Office (PESO) Caloocan ang ibat-ibang job opening sa mga pribadong kumpanya na nasa lungsod na maaaring apply-an ng mga residente sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Ang mga ito ay ang kumpanyang VXI na nangangailangan ng customer service representative, technical support representative,cs/sales rep, tech/sales rep, customer service champion, technical support expert, at sales rep. Ang Ace Ryder Sparks naman ay nangangailangan ng tinsmith/latero, housekeeping, electromech technician, aircon technician, at plumber o tubero.
Umabot naman sa 42 estudyante at out-of-school-youth ang nakapasok sa Special Program for the Employment of Students (SPES) sa pangangasiwa ng PESO Caloocan.
Mabibigyan sila ng pansamantalang trabaho sa KNC Group of Companies.
Photo: Caloocan PS React, PESO Caloocan FB, and Mayor Along Malapitan FB