Mga bayani ng community pantry
Mary Jessa C. Fajardo April 24, 2021 at 05:17 AMPatuloy ang paglaganap ng kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa siyam na araw matapos simulan ni Patreng Non ang Maginhawa Community Pantry. Tila mga kabuteng nagsusulputan sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga community pantry.
Maraming tsismis ang tila ipinapakalat para siraan ang isang napakagandang inisyatibong ang tanging hangarin ay tumulong sa mga Pilipinong nahihirapan at nagugutom sa panahon ng pandemya.
Sino nga ba ang nasa likod ng mga itinayong community pantry sa bansa at bakit nila ito ginagawa? Kilalanin natin ang ilan sa kanila.
Nagsimula ang ideya ng community pantry kay Patreng Non, 26 years old. Gamit ang isang karitong gawa sa kawayan, sinimulan niya ito sa Maginhawa Street, Quezon City. Naglagay siya doon ng mga gulay, delata at iba pa.
“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan,” ito ang payahag ni Patreng na nakasulat sa isang pinilas na karton. Ito na pala ang simula ng isang social movement na pupukaw sa damdamin ng bawat Pilipino.

Caloocan Community Pantry, 6th Street corner C3 Road
Isa sa nabigyan ng inspirasyon ng Maginhawa Community Pantry si Thess Punzalan, isang sari-sari store owner. Nabasa raw niya ang ginawa ni Patreng Non at naisip daw niyang pwede rin itong gawin sa kanilang lugar sa Caloocan. Kinausap daw niya ang kanyang mga anak at kamag-anak na magsimula rin ng ganito at agad din naman silang pumayag.
Kinabukasan, April 17, sinimulan nila ang Caloocan Community Pantry, ang kauna-unahang pantry sa lungsod.
Kasama sa unang ipinamigay nila ang mga delata, kape at biskwit na paninda ni Thess sa kanyang tindahan.
Nagkontribusyon din daw silang magkakamag-anak para makabili ng ilang sako ng bigas at mga gulay.
Tagumpay ang kanilang unang araw dahil nabigyan daw nila ang lahat ng taong nagpunta.
Ayon kay Thess, hindi kailangang maging mayaman para tumulong. Kailangan lang daw ng pagmamahal at malasakit sa kapwa.
“May magagawa tayong mamamayan. May kapangyarihan tayong baguhin ang kuwento ng ating bayan,” paliwanag ni Thess.

San Miguel Pasig Community Pantry
Kasama sa mga namuno para magsimula ng kanilang sariling pantry si Bing Oliva, isang pastor sa Pasig. Sa edad na 56, nasaksihan na raw niya ang maraming pagsubok sa buhay. At dahil isa siyang misyonaryo, nasa puso na raw niya talaga ang maglingkod at tumulong sa bayan.
“Matagal na akong involved sa mga ganitong advocacies. I am for the poor at needy. I also want to empower others (na may kakayahan) to share too. Alam kong maraming nangangailangan just for survival,” paliwanag ni Bing.
Kaya naman binuksan niya ang San Miguel Pasig Community Pantry noong April 20.

Barangay Sta. Rosa Community Pantry, Bayombong, Nueva Vizcaya
Isang grupo naman ng college student at bagong graduate ang mga organizer ng Barangay Sta. Rosa Community Pantry sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Halos lahat sila ay nasa 22 anyos lang ang edad, at wala pang trabaho. Pero hindi ito naging balakid sa kanilang kagustuhang makatulong.
Nagsimula noong April 17 ang kanilang community pantry. Bukas daw ito para sa lahat. Kasama sa kanilang ipinamimigay ang mga gulay, noodles at delata.
“Nainspire po kami sa initiative ng Maginhawa Pantry. Gusto namin na ganun din ang maging epekto namin sa ibang tao. Gusto namin na magkaroon sila ng pag-asa at maniwala uli na malayo ang mararating ng taong-bayan na sama-sama. Hanggang may magbibigay po, patuloy ito. Mas matagal, mas maganda,” kwento ng grupo.
Nagugulat din daw sila na makatanggap ng donasyon mula sa mga hindi kakilala at maging sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Yung iba po mga OFWs from different countries pero karamihan po talaga ay pumupunta lang para magdonate tapos hindi po namin sila namimeet,” paliwanag ng grupo.

Barangay San Francisco Community Pantry, General Trias, Cavite
Buy and sell naman ng generator at iba pa ang hanap-buhay ni Allan Alarcon, 49 years old. Kasama ang kanyang mga kaibigan, binuksan nila ang community pantry sa Barangay San Francisco, General Trias, Cavite noong April 18.
May anim na anak si Allan. Gusto raw talaga niyang tumulong sa kapwa dahil ito raw ang kanyang paraan para maibahagi sa iba ang mga biyayang natatanggap niya.
“Hanggang may nagbibigay, laban kami. Hanggang may maitutulong ako, go lang,’ sabi pa ni Allan.

Sta. Cruz, Laguna Community Pantry
Hindi naman magpapahuli ang Sta. Cruz, Laguna dahil noong April 17 ay nagbukas din ang isang community pantry sa kanilang lugar. Inorganisa naman ito ni Josh Panganiban.
May-ari si Josh ng isang coffee shop. At dahil may kakayahan naman daw siyang tumulong sa iba dahil sa blessing na natatanggap niya, hindi raw siya nag-aatubiling magbigay sa mga nangangailangan.
“Lagi po akong nagbibigay sa mga hopeless people. Hindi man sobra-sobra, pero sapat na,” sabi pa ni Josh.
Halos lahat ng community pantry na nakapanayam ng Arkipelago News ay nakakatanggap ng donasyon mula sa kanilang mga kaibigan. Pero ayon sa kanilang karanasan, mas marami raw sa nagbibigay ng tulong ay hindi nila kakilala.
“Random people lang po ang mga nakakausap ko na nagbibigay. Hindi ko po sila kakilala,” paliwanag pa ni Josh.
Hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pagbubukas ng mga bagong community pantry sa iba’t ibang parte ng Metro Manila, maging sa malalayong probinsya.
Ayon sa Community Pantry PH, ang grupong tumutulong sa mga pantry, nasa 468 na ang bilang ng mga community pantry sa kasalukuyan.
Hindi siguro inakala ni Patreng na ang sinimulan niya sa Maginhawa Street noong April 14, magsisilbing inspirasyon sa marami at magpapalitaw sa likas na pagmamahal ng mga Pilipino sa kanyang kapwa sa panahon ng trahedya.