Mga binahang lugar sa Caloocan dahil sa bagyo, ininspeksyon at pinasolusyunan ng LGU
Reggie Vizmanos July 31, 2023 at 07:40 PMKasunod ng naging pagbaha sa ilang lugar at kalye sa Caloocan dahil sa Bagyong Egay at tuloy-tuloy na malakas na ulan, nag-inspeksyon ang alkalde ng lungsod at inatasan ang mga kinauukulang tanggapan na agad gumawa ng solusyon.
“Nag-ikot po tayo sa Caloocan North upang inspeksyunin ang mga binahang lugar dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. Nagbigay na po ako ng direktiba sa ating City Engineering Department na magsagawa ng mga dredging operation at magkaroon ng mga proyekto upang maibsan ang pagbaha sa mga lugar sa ating lungsod,” ayon kay Mayor Dale “Along” Malapitan.
Dagdag niya, “Batid ko rin po ang naging pagbaha sa Quirino Highway na naging dahilan ng trapiko sa Amparo kung kaya’t makikipag-usap po tayo sa Metro Rail Transit (MRT) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang hanapan ng solusyon ang pagbaha sa lugar. “
Paglilinaw naman ni Mayor Malapitan, “Bagama’t sakop po ng Lungsod ng Caloocan ang naturang lugar, ang DPWH po ang namamahala sa mga national highway kung kaya’t nakahanda po tayo na makipagtulungan sa kanila upang maiwasan ang perwisyo sa ating mga kababayan tuwing umuulan.”
Photo: Mayor Along Malapitan FB