Mga estudyante sa Caloocan may libreng gupit mula sa LGU
Reggie Vizmanos August 28, 2023 at 09:31 PM
Makikinabang sa libreng gupit ng buhok ang mga estudyante sa Caloocan City mula sa kanilang lokal na pamahalaan sa pagbabalik nila sa eskwela ngayong schoolyear.
Ayon sa LGU, ang naturang “free haircut program” ay sinimulan nitong Sabado, Agosto 26, at tatagal hanggang sa Setyembre 1.

Sinabi ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang libreng gupit ay tulong ng pamahalaang lungsod para sa masiglang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.
“Simulan natin ang bagong school year na presko ang isipan at pangangatawan! Kaya po bilang paghahanda, inaanyayahan ko po ang lahat ng Batang Kankaloo na dumalo sa ating inihandang ‘libreng gupit’ sa iba’t-ibang paaralan sa ating lungsod,” pahayag ng alkalde.
Ikinasa na rin ng LGU ang iba’t-ibang hakbangin na tutulong sa pagtitiyak ng ligtas, maayos at produktibong pag-aaral ng mga estudyante tulad ng student assistance, public order at kaligtasan, pagmobilisa ng mga pulis at iba pang mga public safety units, at ang paglilinis sa bisinidad ng mga paaralan.
Photo: Caloocan PIO