Mga evacuees sa Caloocan tuloy-tuloy na tatanggap ng ayuda ayon sa alkalde
Reggie Vizmanos August 1, 2023 at 04:39 PM
Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na tuloy-tuloy na tatanggap ng kumpletong ayuda mula sa lokal na pamahalaan ang mga residente ng lungsod na inilikas pansamantala dahil sa nagdaang bagyo.
Kasabay ng pag-iikot at pag-iinspeksyon niya sa evacuation center at sa mga lugar sa lungsod na labis na naapektuhan tulad ng Barangay 180, 183, at 185, sinabi ng alkalde na susuportahan ng LGU ang mga nasalanta hangga’t hindi pa idinedeklarang ligtas na silang makabalik sa kanilang sariling bahay.
Kasama ang City Health Department (CHD) at ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ay namahagi ang alkalde ng pagkain at medical assistance sa mga naapektuhan, habang inatasan din niya ang City Engineering Department na gawan ng solusyon ang pagbabaha sa naturang mga lugar.
“Tiniyak po natin na mayroong pagkain, sapat na atensyong medikal at maayos na matutulugan ang ating mga kababayan sa gitna ng pagbabaha at tuloy-tuloy na pag-ulan sa kanilang lugar. Sisiguruhin natin na komportable sila sa evacuation center hanggang makabalik sila sa kani-kanilang tahanan,” sabi Mayor Malapitan.
Kabilang din sa ininspeksyon ng alkalde ay ang mga flood-prone areas tulad ng Doña Aurora sa Brgy. 177, Phase 6 sa Brgy. 178, at Crispulo St. at Quirino Highway sa Brgy. 180.
Photo: Mayor Along Malapitan FB