| Contact Us

Mga frontliner na tanggapan sa Caloocan inilagay sa mataas na alerto para sa pangangasiwa ng Mahal na Araw

Reggie Vizmanos March 18, 2024 at 06:07 PM

Inilagay ni Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mataas na alerto ang mga frontliner na susing tanggapan sa Caloocan City upang tiyakin ang ligtas at maayos na pag-obserba sa Mahal na Araw sa lungsod.

Ayon sa alkalde, “Inatasan ko po ang Caloocan City Police Station (CCPS), Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) at iba pa nating frontline services na maging alerto sa mga panahong ito at tiyakin na ligtas at maayos nating magugunita ang Mahal na Araw.”

Ang direktiba ay inihayag ni Mayor Along kasabay ng kaniyang pamumuno sa special session ng Caloocan Peace and Order Council at ng Disaster Risk Reduction and Management Council kung saan ay tinalakay ang mismong mga detalye ng mga paghahanda para sa Semana Santa.

“Hangad ko po na maging makabuluhan ang ating pagninilay-nilay ngayong panahon ng Kuwaresma,” pagbibigay-diin niya.

Nanawagan din siya sa mga opisyal ng barangay na pangunahan ng mga ito ang pagtitiyak ng kaligtasan at kaayusan sa kani-kanilang nasasakupang lugar.

Pinayuhan niya ang mga barangay officials na paigtingin ang pangangasiwa sa kanilang mga lugar lalo na at maraming residente ang pansamantalang iiwan ang kanilang bahay upang magpunta sa malayong lugar tulad ng mga lalawigan at mga pasyalan.

Hinamon ng alkalde ang mga frontliner offices gayundin ang mga mamamayan mismo na tiyaking maging zero-crime at zero-untoward incident sa Caloocan sa panahon ng Semana Santa.

Sabi ni City Police Chief Col. Ruben Lacuesta sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, “Sa direktiba po ng ating butihing Mayor Along Malapitan, ang kapulisan ng Caloocan kasama ang DPSTM, CSWD at barangay ay mas paiigtingin ang pagbibigay seguridad sa ating mga kababayan. Magkakaroon po tayo ng 24 oras na pagroronda sa mga barangay at mayron din tayong mga itatalaga na mga pulis na magbabantay sa bawat terminal ng pampublikong sasakyan at ganundin sa mga simbahan kung saan dadagsain ito sa banal na araw ng Huwebes at Byernes at sa pagkabuhay ng mahal na Panginoon sa araw ng Linggo.”

“Makikita din natin ang ating mga kapulisan sa bahagi ng Monumento para mabigyan seguridad ang ating mga mamamayan na nagtratrabaho gayundin ang mga nagpupunta sa naturang lugar. Sa kabuuan, umasa po kayo na ang ating kapulisan ay nakahandang magbigay serbisyo at seguridad sa anumang oras at panahon lalong lalo na sa araw ng Semana Santa.

📷: Along Malapitan FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 19 Last