Mga kalat kaugnay ng BSKE at Undas nilinis na; Okasyon, generally peaceful and orderly
Reggie Vizmanos November 4, 2023 at 05:43 PMNilinis na ng mga otoridad sa Caloocan ang mga naging kalat kaugnay ng pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at pag-obserba ng Undas.
Ang malawakang cleanup operations ay pinangunahan ng mga tauhan ng City Environmental Management Department (CEMD) at ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) ng lokal na pamahalaan.
Nagsagawa rin sila ng ng Oplan Baklas o pagtatanggal ng mga tarpaulin at mga poster ng mga kumandidato sa halalan na nakasabit sa mga kawad ng kuryente, mga sanga ng puno at mga bubong ng bahay o nakadikit sa mga pader.
Karamihan sa mga naging kalat ay nasa loob at paligid ng mga sementeryo gayundin sa mga paaralan na ginamit sa botohan.
Una nang nagbabala ang naturang mga tanggapan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakalat sa lungsod sa ilalim ng City Ordinance 0407 na nagsasaad ng detalyadong implementasyon ng LGU sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2002 at City Ordinance 0753 o prohibisyon sa pagkakalat sa pampublikong lugar.
Ang naturang mga ordinansa ay nagtatakda ng mabigat na parusang multa o pagkakulong sa mga lalabag.
Sa bahagi naman ng pagbabantay ng mga pulis sa Undas ay payapa at maayos ang naging pag-obserba sa okasyon, ayon sa Caloocan City Police Station (CCPS.
“Generally peaceful and orderly ang naging pag-obserba sa Undas,” sabi ni Caloocan Chief of Police Col. Ruben Lacuesta sa kaniyang text message sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN.
Dagdag pa ni Col. Lacuesta, “Zero incident tayo,” o walang naitalang insidente ng karahasan o kaguluhan sa kabuuan ng okasyon.
Photo: Mayor Along Malapitan FB