Monumento sentro ng transport strike; Mga kawani ng LGU nagdrug test; Paghahanda ng simbahan, pulisya at cityhall sa Kapaskuhan
Reggie Vizmanos November 21, 2023 at 11:32 PMNagsilbing isa sa mga sentro ng aktibidad para sa tigil-pasada ng mga tsuper at operator ng pampublikong pampasaherong sasakyan ang Monumento area sa Caloocan nitong Martes.
Bumisita rin doon si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel at kinumusta niya ang kalagayan ng mga nagwelga gayundin ang hanapbuhay at kita ng mga tsuper at ordinaryong operator.
Ilan sa mga itinakdang “strike centers” bukod sa Monumento circle ay SM Sta. Mesa, Agoncillo cor. Pedro Gil Streets, at A. Francisco cor. Onyx St. sa Maynila; Baclaran service road sa Pasay; Seacom Sucat sa Parañaque; Las Piñas South Mall sa Las Piñas; Philcoa Terminal, Anonas (Neupetro gas station), E. Rodriguez (Puregold QI), Novaliches Bayan Litex Terminal at Katipunan Terminal sa Quezon City; Jollibee Pasig Palengke sa Pasig City; Marikina Terminal (Blue Wave) sa Marikina at Alabang Main Terminal sa Muntinlupa.
Nagserbisyo naman sa mga pasaherong na-stranded dahil sa welga ang mga sasakyang itinoka ng lokal na pamahalaan ng Caloocan para sa “Alalay sa Mananakay”.
Umaabot sa 70 sasakyan na idineploy ng LGU sa ilang lugar sa lungsod ang naghatid at sumundo sa mga residenteng nahirapang makasakay dahil sa transport strike.
Sinabi naman ng LGU at ni Caloocan City Police Station (CCPS) Chief Col. Ruben Lacuesta na payapa sa kabuuan ang transport strike at walang nangyaring masamang insidente.
Samantala, sumalang sa random drug test ang mga kawani ng iba-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, kasabay ng pag-obserba sa Drug Abuse Prevention and Control Week.
Pinangunahan ito ng Caloocan Anti-Drug Abuse Office (CADAO) at Human Resource Management & Development Office (HRMDO).
Nagsagawa naman ang city police ng Barkadahan Kontra Droga program orientation sa Manila Central University (MCU) na dinaluhan ng mahigit 500 estudyante.
Pinangunahan ito ni CCPS Community Affairs Section (CAS) Acting Chief, Police Captain Marcelina Pino, kasama sina Police Staff Sergeant John Mikko Camerino at Dangerous Drugs Board (DDB) Trainor Nelia Fiescas.
Sa iba pang balita, maagang nagsimula ang pghahanda ng simbahan, LGU at pulisya ng lungsod para sa mga aktibidad sa panahon ng Kapaskuhan.
Nagpulong para sa maayos na pangangasiwa ng Simbang Gabi ang pamunuan ng Birhen ng Lourdes Parish sa Bagong Barrio sa pamumuno ni Rev. Fr. Alberto Cahilig, Bagong Barrio Police Substation (SS5) sa pangunguna ni SubStation Commander Police Captain Julius Villafuerte, at mga opisyal ng barangay.
Ang LGU naman ay naglabas ng paanyaya sa mga amateur community-based choir/chorale groups mula sa parish, evangelical, school o barangay upang lumahok sa Christmas in Our Hearts Chorale Competition kung saan ang mga premyo ay
P75,000 at trophy para sa tatanghaling kampeon; P50,000 at trophy para sa 2nd place; P30,000 at trophy para sa 3rd place, at P5,000 para sa consolation prize.
Ang naturang kompetisyon ay pangangasiwaan ng Cultural Affairs & Tourism Office (CATO) ng LGU.
Photo: Kabataan Partylist FB, Along Malapitan FB, Caloocan PS React FB