Nanalo sa BSKE nanumpa na; Ayudang CARD ipinamahagi; Most wanted arestado
Reggie Vizmanos November 14, 2023 at 09:47 PMSama-samang nanumpa sa tungkulin ang mga chairman at mga kagawad ng 188 barangay sa Caloocan City na nahalal noong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang mass oath taking, na isinagawa sa Caloocan Sports Complex noong Nobyembre 10, ay pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa alkalde, bise-alkalde, mga kongresista ng tatlong distrito ng lungsod at mga konsehal.
Ang mga nahalal namang SK officials ay nanumpa na rin sa tungkulin nitong Nobyembre 14 sa pamumuno ng kasalukuyang SK Caloocan Federation president na si Leslie Anne Yakit.
Isinasagawa na rin ngayong araw ang 2023 Panlungsod na Pederasyon Orientation and Election (SK federation orientation and election) sa Bulwagang Katipunan, New Caloocan City Hall, sa pangangasiwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Caloocan.
Samantala, libu-libong residente ng lungsod ang nakatanggap ng ayuda mula sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) program na itinaguyod ng Office of the President, Office of the House Speaker, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng 33 kongresista ng National Capital Region (NCR).
Ayon kay Caloocan 2nd District Congresswoman Mitch Cajayon-Uy, “Sa loob lamang ng isang linggo, nasa limang libong (5,000) residente mula sa ikalawang distrito ng Caloocan City ang natulungan na ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program.”
Bukod dito ay nakatanggap na rin ng ayuda ang mga residente ng ibang distrito ng lungsod sa pangangasiwa naman nina Congressman Oca Malapitan (District 1) at Congressman Dean Asistio (District 3).
Sa iba pang balita, naaresto ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang itinuturing na Most Wanted Person sa lungsod na may kasong rape.
Ito ang kinumpirma nina Caloocan Chief of Police Col. Ruben Lacuesta at Investigation and Detection Management Section-Warrant & Subpoena Section (IDMS-WSS) Police Captain Rommel Caburog sa kanilang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Rizalito Gapas.
Ang warrant of arrest para sa suspek ay inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 131 ng Caloocan City na may petsang Agosto 29, 2023.
Arestado rin ang Top 5 Most Wanted Person (District Level) na nahaharap naman sa kasong murder.
Kinilala nina CCPS P/Major Jeraldson Rivera at P/Major Ramil Pillos ang suspek na si Alyas Manny, 22 anyos, na residente ng Barangay 177, Caloocan City.
Ang warrant of arrest para sa suspek ay inisyu ng Regional Trial Court Branch 232, Caloocan City, na may petsang July 5, 2023.
Photo: Mitch Cajayon-Uy FB, DILG Caloocan FB, Caloocan PS React FB