Natasha Jung ng Barangay 179, nanalong Miss Caloocan 2023
Kate Papina February 27, 2023 at 08:00 PMMatagumpay na naiuwi ni Natasha Jung ang korona bilang Miss Caloocan 2023 sa ginanap na grand coronation night sa Caloocan Sports Complex noong Pebrero 25. Kabilang ang beauty pageant sa mga inihandang programa para ipagdiwang ang ika-61 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod. Itinanghal din si Natasha bilang Best in Swimsuit at Best in Long Gown. Kinakatawan ng nineteen years old na si Natasha ang Barangay 179. Dati na rin siyang sumali sa Binibining Pilipinas at Miss World. Kasama sa kanyang nakuhang premyo ang P150,000 cash at mga produkto mula sa iba’t ibang sponsor.
Nagwagi naman bilang first runner-up si Patricia Agapito, second runner-up naman si Kairi Clemente, third runner-up si Maria Christine Ordeviza, at fourth runner-up si Juliana Losito.
Dalawampu’t isang kandidata ang sumali sa Ms. Caloocan ngayong taon. Layunin ng event na bigyan ng empowerment at pagkilala ang mga natatanging kababaihan sa Caloocan.
“Tonight, we celebrate women empowerment. Ang ating mga kandidata sa Miss Caloocan ang sumisimbolo sa mga katangian ng isang Pilipina. Umaasa po ako na magiging inspirasyon kayo at ang inyong dedikasyon sa bawat Batang Kankaloo, lalo na ang inyong pagpapahayag ng saloobin at pakikiisa sa mga programang panlipunan,” ayon kay Mayor Dale “Along” Malapitan.
Nagpasalamat din si Mayor Malapitan sa suportang kanilang natanggap sa pagsasagawa ng Miss Caloocan 2023.
“Sa lahat po ng ating nakasama upang maging matagumpay ang programang ito, isang malugod na pasasalamat po sa inyo, lalo na po sa ating mga sponsors at hurado. Happy 61st Anniversary, Caloocan City!” dagdag pa niya.
Photo: Mayor Along Malapitan FB