Online enrollment sa UCC; Bagong street lights at health center sa Caloocan
Reggie Vizmanos January 12, 2024 at 12:37 PMAabot sa 15,000 na estudyante ng University of Caloocan City (UCC) ang magbebenepisyo sa bagong online enrollment process na ipinatutupad sa naturang unibersidad.
Sa inilabas na abiso ni Mayor Along Malapitan sa kaniyang Facebook page, sinabi niya na ang online enrollment ay sisimulan na sa second semester ng Academic Year 2023-2024.
Sa pamamagitan aniya ng sistemang ito, hindi na kailangang pumunta sa mga campus ng UCC ang mga magpaparehistro at magbabayad sa unibersidad, at makatutulong din ito na mapabilis at maisaayos ang serbisyo ng mga kagawaran ng UCC at ng City Treasury Department (CTD).
Sinabi rin ng alkalde na ang UCC online enrollment process ay itinaguyod ng lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Pinnacle Technologies at SPIDC.
Samantala, nag-install at nagpailaw ng mga street lights ang LGU sa kahabaan ng Maranaw Drive, mula Kabuhatan hanggang Nova Romania Gate sa Barangay 168.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ito ang unang batch ngayong 2024 ng kanilang street lights installation sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Malapitan na tuloy-tuloy ang pagpapailaw sa mga kalye at eskinita upang maiwasan ang mga krimen at tiyaking ligtas at payapa ang pamumuhay sa mga komunidad sa lungsod.
Para naman sa serbisyong pangkalusugan, pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ang groundbreaking ng dalawang health center sa Caloocan: sa Phase 1 sa Deparo, Barangay 168; at sa Bagumbong Dulo, Brgy. 171.
Ayon kay Congressman Oca Malapitan na kasamang nagtaguyod ng proyekto, ang mga bagong health center na ito ay magkakaroon ng minor surgical room, ward, dental clinic, laboratory services, at pharmacy kung saan ay libre ang mga gamot.
Sa pamamagitan nito aniya ay mas mailalapit sa mga mamamayan ang atensyong medikal at pangkalusugan na kanilang kailangan.
“Prayoridad natin ang inyong kapakanan lalo na ang inyong kalusugan,” sabi ni Congressman Malapitan sa mga residente.
Photo: Along Malapitan FB, Congressman Oscar Malapitan FB