Oportunidad para sa kabataan, prayoridad sa Guiguinto, Bulacan
Mike Lopez February 9, 2026 at 06:56 PM
GUIGUINTO, Bulacan — Patuloy na binibigyang-prayoridad ng Pamahalaang Bayan ng Guiguinto ang kapakanan at kinabukasan ng kabataan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Special Program for Employment of Students (SPES) 2026.
Sa ilalim ng SPES, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapagtrabaho habang ipinagpapatuloy ang kanilang pag-aaral.
Layunin ng programa na tumulong sa gastusin sa edukasyon ng mga kabataan, mahubog ang kanilang disiplina sa trabaho, at maihanda sila sa mas responsable at produktibong kinabukasan.
Ayon sa pamahalaang lokal, mahalaga ang SPES hindi lamang bilang tulong-pinansyal kundi bilang hakbang upang mapaaga ang paghubog ng kasanayan, pagpapahalaga sa trabaho, at malasakit sa komunidad ng mga kabataan.
Pinagtitibay ng programang ito ang paninindigan ng Pamahalaang Bayan ng Guiguinto na manatiling katuwang ng kabataan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at sa pagbuo ng isang mas maunlad na hinaharap.
📷 Mayor Ambrosio C. Cruz FB