Padre de pamilya mula sa Caloocan nakapagpatapos ng anim na anak dahil sa pagtitinda
Cristine Cabanizas June 17, 2021 at 02:00 PMSa nalalapit na araw ng mga tatay, hinangaan ang isang haligi ng tahanan na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanyang pamilya.
Sa isang Facebook post ni Karissa Mae Nievera, ibinahagi niya ang nakatutuwang kwento ni Tatay Geronimo Tolibas Sr. mula sa lungsod ng Caloocan.
“He is Tatay Geronimo, a hardworking husband to his wife and loving Father to his children. If you get a chance to go to Monumento in the morning please buy some of his scrunchies so that he’ll get home early and enjoy the time with his family,” pahayag ni Karissa sa kanyang post.
Kuwento ni Karissa sa panayam sa kanya ng Arkipelago News, nadaanan niya raw si Tatay Geronimo na nagtitinda ng mga ipit sa tapat ng Puregold Monumento, Caloocan. Agad daw siyang napatigil at napahanga sa sipag at bait ni tatay.
“Napa-bilib po ako ni Tatay kasi kahit medyo may edad na po siya nagbebenta pa rin po siya. Mas humanga po ako kasi lalaki po siya tapos scrunchies po ang ibinebenta nya, nang una nga po ang naisip ko baka kako asawa nya po ang nagtatahi ng mga ito pero ayon po sa isang netizen na nag-message sakin, anak daw po pala nya ang nagtatahi ng mga ito,” sabi ni Karissa.
Magiliw daw na kinakausap ni tatay ang bawat taong gustong bumili sa kanyang paninda. Sa kabila ng init at usok sa daan nagagawa pa rin daw ngumiti ni tatay sa mga tao.
Si Tatay Geronimo ay 58 taong gulang. Apatnapung taon na raw siyang nagtitinda para maitaguyod ang kanyang pamilya.
Dati raw nagtatrabaho bilang construction worker si tatay pero dahil sa hirap ng buhay at hindi sapat na kita sa trabaho naisipan niyang magbenta ng kahit anong bagay o pagkain na maaaring pagkakitaan.
Ibinahagi ng kanyang anak na si Geronimo Tolibas Jr. sa Arkipelago News ang hirap na nararanasan ng kanyang ama sa pagtitinda gayundin ang lahat ng nagawa ng ama para sa kanilang magkakapatid.
Napagtapos ni Tatay Geronimo ang kanyang anim na anak sa kolehiyo dahil sa pagtitinda ng kahit ano kagaya ng empanada, kropek, mani, ipit, balot at iba pa. Dahil sa pagsusumikap na ito kahit papaano raw ay naging maayos ang pamumuhay nilang magkakapatid.
“Sobrang hirap po ng buhay namin noon, halos isang kahig isang tuka talaga kami. Naghahati-hati kami sa noodles, dinadamihan na lang ng sabaw para magkasya to the point po na ang binabaon namin pagpasok sa school ay tinda niyang mani. Bale po binebenta po namin ung mani, then ‘yon na po ‘yung pinakabaon naming pera. Higpit sinturon po kami dahil si Papa ay nag-aalkansya para may pambunot sya na pang-matrikula sa susunod na sem. Naigapang niya pag aaral namin sa pagtitinda-tinda niya,” pagbabahagi ni Geronimo Jr.
Mulat na raw silang magkakapatid sa reyalidad at hirap ng buhay. Sa murang edad daw ay ipinaliwanag na ito sa kanila ng kanyang ama. Sa kabila nito ay nagsumikap ang kanyang tatay para magkaroon sila ng edukasyon na nararapat para sa kanila.
Nakapagtapos si Geronimo Jr. ng Bachelor of Secondary Education at kasalukuyang nagtuturo sa isang pampublikong paaralan. Ang sumunod naman sa kanya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Psychology, ang iba naman niyang kapatid ay nagtapos ng mga kursong Bachelor of Arts in Political Science, Bachelor of Science in Financial Management, Vocational at Housekeeping courses.
Kahit daw nakapagtapos na silang magkakapatid at kasalukuyang nagtatrabaho, patuloy pa rin daw sa pagtitinda ang kanilang padre de pamilya dahil ayaw raw nitong umasa sa kanilang magkakapatid.
“Si Papa kasi “Padre de Pamilya” talaga tingin niya sa sarili niya ayaw niyang umasa sa aming magkakapatid pagtanda nila ni mama kasi katwiran niya, may obligasyon pa rin sila bilang magulang sa amin, naghuhulog po yan ng SSS (Social Security System) niya buwan-buwan, may ipon din po yan sa alkansya niya, masinop po sa pera,” wika ni Geronimo Jr.
Ang mga istoryang katulad ng kwento ni tatay Geronimo ay patunay lamang nang walang hanggang hirap at sakripisyo ng bawat haligi ng tahanan. Nagpapasalamat si tatay at ang kanyang pamilya sa lahat ng nagpaabot ng suporta at tulong sa kanila.
Photo courtesy of Karissa Mae Nievera