Pagbuo ng ikatlong distrito sa Caloocan City, aprubado na
Reign Benitez May 28, 2021 at 08:19 AMNilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang hatiin sa dalawang legislative district ang unang distrito ng Caloocan City at pagbuo sa ikatlong distrito ng lungsod.
Epektibo na ang Republic Act No. 11545 simula sa darating na 2022 national at local elections.
Sa ilalim ng batas, ang unang distrito ay kinabibilangan ng Barangay 1 hanggang 4, Barangay 77 hanggang 86, at Barangay 132 hanggang 177.
Habang ang Barangay 178 hanggang 188 naman ang bubuo sa ikatlong distrito.
Samantala, mananatili naman at hindi magagalaw ang mga barangay na kabilang sa ikalawang distrito.
Sinabi noon ni Senador Francis Tolentino na siyang may-akda ng panukala na mas masisiguro na maibibigay ang mga pangangailangan ng mga mamamayan kung madagdagan pa ng isang distrito ang lungsod ng Caloocan.
Maliban sa Caloocan City, inaprubahan din ng Pangulo ang dagdag na distrito sa lalawigan ng Bulacan.
Photo courtesy of Mayor Oca Malapitan Fb page