Panggawad ng deed of sale at lot awards sa Lungsod ng Caloocan, pinangunahan ni Congressman Along Malapitan
Ace Cruz July 15, 2021 at 05:04 AMPinangunahan ni Caloocan City First District Congressman Along Malapitan at ng mga kawani ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ang paggawad ng mga ‘deed of sale’ at ‘lot awards’ para sa benepisyaryo ng Camarin 1 at 2 Project sa Lungsod ng Caloocan.
Sa pahayag ng lokal na pamahalaan, umabot sa 74 na ‘deed of sale’ at 31 ‘lot awards’ and ginawad sa naturang programa.
Ayon kay Cong. Malapitan, ang mga benepisyaryong napabilang dito ay isinailalim sa mahigpit na berepikasyon ng Housing and Resetlement Office ng lungsod.
Kasunod nito, sinabi ng mambabatas na layon ng naturang programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magkaroon ng sariling bahay na matitirhan.
“Mahalagang magkaroon tayo ng katiyakan sa ating tahanan. Ngayon, ito’y masasabi niyong pag-aari niyo na. Mapapanatag kayo at ang inyong mga anak. Hangga’t makatwiran, ito ang hangarin ng ating pamahalaan para sa inyo,” ani Congressman Malapitan.
Samantala, pinaalalahanan naman ng mambabatas ang mga residenteng may dapat pang bayaran na maghulog sila ng bayad bilang parte ng kanilang responsibilidad.
“Sa mga mayroon pang monthly provision, hulugan niyo po ito dahil ito’y inyong obligasyon. Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon magkaroon ng sarili nilang lupa,” paalala ni Congressman Malapitan.
Photo courtesy of Congressman Along Malapitan Fb page