| Contact Us

Panloloob sa eksklusibong subdibisyon nakunan ng CCTV

Anna Hernandez November 2, 2024 at 06:03 PM

PARAÑAQUE CITY — Arestado ang tatlo sa anim na kalalakihang nanloob sa bahay ng mga negosyanteng Chinese national sa isang ekslusibong subdibisyon sa Paranaque City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Brian”, 38 anyos; alyas “Jevic”, 29; at alyas “John”, 33; pawang mga driver.

Tinutugis pa ang tatlong suspek na sina alyas “Ruel “, 40; alyas “Agustin”, 37; at alyas “Ramel”, 40.

Natangay ng mga suspek mula sa biktimang Chinese na si “Lin”, ang P700,000 cash at P280,000 naman mula kay “Yu. Nanakaw rin ang mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P400,000.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Bernard Yang, naganap ang panloloob 12:30 ng madaling araw ng Oktubre 30, 2024 sa bahay na matatagpuan sa panulukan ng Matthew St. at Multinational Avenue.

Nakunan ng CCTV ang pangyayari. Sa video footage mula sa SPD makikita na isang lalaki ang nagbukas ng gate, at pumasok ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki. Kasunod nito ang isang kotse. Biglang nagtatakbo ang lalaking nagbukas ng gate habang ang isa pa ay nadapa dahil sa mabilis na pagpasok ng mga suspek na nakatutok ang mga baril.

Matapos pumarada sa loob ng compound ang kotse, agad na isinarado ang gate at lumabas sa kotse ang isang lalaki. Nagtungo siya sa passenger seat at kinuha ang hooded jacket na ipinatong sa suot niyang damit. Kapansin-pansin na tila kilala ng aso ang mga dumating.

Hindi na nakunan ng CCTV ang iba pang pangyayari. Batay sa ulat ng pulisya, iginapos ng mga nanloob ang tatlong stay-in worker na Filipino gamit ang duct tape. Ang ibang suspek naman ay nagtungo sa driver’s quarter at iginapos doon ang security guard na si “Julius”.

Inakyat nila ang ikalawang palapag ng bahay para puntahan ang master’s bedroom at doon ay tinutukan ng baril sina Lin at Yu. Pinilit umano ng mga suspek ang dalawang Chinese na buksan ang vault at nilimas ang laman nito.

Ayon sa tagapagsalita ng SPD na si P/Major Hazel Asilo, nagkaroon ng komosyon sa loob ng bahay at narinig ng isang kapitbahay na agad tumawag sa “911” kaya narespondehan ng pulisya ang insidente.

Paliwanag pa ng SPD, alam na alam ng mga suspek ang pasikot-sikot ng bahay at kasabwat umano nila ang ilang nagtatrabaho doon kabilang ang nagbukas ng gate.

Sa imbestigasyon, nakita rin umano sa kuha ng CCTV na sumunod at nakipag-usap sa mga suspek ang lalaking nagbukas ng gate imbis na kalagan ang kanilang amo at iba pang kasamahan sa bahay.

Nadiskubre rin ng SPD na hindi ito ang unang beses na ninakawan si Lin. Noong Agosto 2024 ay natangayan na rin siya ng P30-milyon sa Binondo, Maynila pero hindi siya nagreport sa pulisya at naghain ng reklamo.

“Hindi siya nag-file ng complaint. Itong mga taong ito, na-realize nila… hindi nagpa-file ng
kaso… so puwede nating ulitin. So inulit nila ngayon ‘yung ginawa nilang pangho-holdup,” ayon kay PMaj. Asilo.

Dagdag pa nila, isa sa mga trabahador ang nag-recruit ng iba pang kasabwat para magtrabaho sa niloobang bahay.

Nahaharap sa reklamong robbery in band o paglabag sa Article 296 ng Revised Penal Code ang mga suspek.

📹 📷 SPD PIO

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last