Peligro ng leptospirosis ipinaalala sa mga residente ng Caloocan
Reggie Vizmanos August 4, 2023 at 05:50 PMNagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa mga residente ng lungsod hinggil sa peligro ng leptospirosis bunsod ng mga pag-ulan at pagbaha.
Ayon kay Mayor Dale “Along” Malapitan, makabubuting sundin ng mga mamamayan ang inilabas ng Department of Health at Caloocan City Health Department na gabay sa pag-iwas sa naturang sakit, kabilang ang tamang pagtatapon ng basura; pag-iwas na lumusong, maglaro, o lumangoy sa tubig-baha; at pagpapanatili ng kalinisan sa bahay.
Una rito ay iniulat ng DOH na mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay mayroon na silang naitatalang 1,582 kaso ng leptospirosis sa buong bansa, na mas mataas ng 72 porsiyento kumpara sa datos noong 2022. Umabot na rin sa 161 ang namatay sa naturang sakit sa buong bansa hanggang Hunyo ngayong taon, kumpara sa 135 noong 2022.
Noong 2018 ay nagdeklara ang DOH ng leptospirosis outbreak sa 28 barangay sa walong syudad sa Metro Manila kabilang ang Caloocan.
Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha mula sa bacteria na galing sa ihi ng daga na karaniwang humahalo sa tubig baha. Nakakapasok ito sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat, mata, ilong at bibig.
Photo: Mayor Along Malapitan FB