Pinag-iingat ang mga residente ng Caloocan sa Delta variant ng COVID-19
Ace Cruz July 24, 2021 at 07:16 PMNagpaalala si Caloocan City Mayor Oca Malapitan sa mga residente ng lungsod na mag-ingat pa rin sa COVID-19 sa gitna ng banta ng mas nakakahawang Delta variant.
Sa isang pahayag, sinabi ni Malapitan na huwag sanang sayangin ng mga taga-Caloocan ang naging hirap ng mga medical frontliner para labanan ang COVID-19.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/01/image-196.png)
Dagdag pa ng alkalde, dapat ding mahigpit na sumunod ang bawat isa sa pinaiiral na health protocol sa bansa gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at ang pag-obserba sa social distancing.
“Huwag natin sayangin ang naging sakripisyo ng bawat isa sa atin upang mapababa ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. Huwag nang hintayin na may maitalang kaso nito sa ating lungsod. Nakikiusap po tayo, mas paigtingin natin ang ating pag-iingat at pagsunod sa minimum health protocols,” ayon kay Malapitan.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/01/image-197.png)
Kasunod nito, pinulong ni Malapitan ang lahat ng Barangay Chairman sa lungsod para ipaalala sa kanila na mahigpit na ipatupad ang umiiral na health protocols sang-ayon sa utos ng Inter-Agency Task Force, Department of Health, at ng Philippine National Police.
Tiniyak naman ng mga kapitan ng barangay sa Lungsod ng Caloocan na kanilang mahigpit na babantayan ang mga nasasakupan para maiwasan na makapasok ang Delta variant sa lungsod.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/01/image-198.png)
Samantala, sa pinakahuling datos na inilabas ng Caloocan City Health Department, nananatiling Delta variant free ang siyudad.
Photo courtesy of DILG Caloocan