Pinaigting na seguridad sa mga mall ngayong Kapaskuhan; Youth Anti-Drug Advocacy Camp inilunsad
Reggie Vizmanos December 12, 2023 at 10:25 PMPinulong ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang mga security officers, manager at supervisor ng mga mall upang paigtingin ang seguridad sa panahon ng Kapaskuhan at upang mapigilang mangyari sa lungsod ang naganap kamakailan na pagbomba sa isang Catholic mass sa Mindanao State University.
Ayon kay CCPS Chief Col. Ruben Lacuesta sa text message niya sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, “Nagkaroon po ng lecture on bomb detection and identification and courses of action in case of bomb threats or bombings and other related cases. Pati posting of hotline number of Caloocan CPS sa lahat ng establishments for fast reporting of incidents. Nabanggit din sa kanila ang mga crime prevention measures ng CCPS na puwede po sila makatulong such as sharing of information.”
“Tinalakay din po sa pulong ang mga ‘security best practices’ ng mga business establishments sa crime prevention measures, para sa posibilidad na i-replicate o gawin din ng iba pa,” dagdag pa niya.
Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng CCPS Community Affairs Section sa pamumuno ni PCpt. Marceelina Pino, kasama sina PCpl Anthony Wanawan, PCpl Anjo Rama, at PCpt Zachary Vitaliano, at si CCPS Spiritual Adviser Pastor Antonio Birol.
Kabilang din sa mga paksa na pinag-usapan sa pulong ay ang “Theft including Pickpocketing/Shoplifters,” “Criminal Gang Groups and their Modus Operandi,” at “Bomb Identification and Threat Management “.
Paliwanag pa ni Col. Lacuesta, “Tinalakay din po sa kanila ang mga on-going anti-criminality measures such as intensified Checkpoint Operations, Oplan Sita/Bakal, Oplan Bulabog, Oplan Galugad at Police Visibility Patrolling.”
Samantala, inilunsad sa lungsod ang Youth Anti-Drugs Advocacy (YADA) Camp 2023 na dinaluhan ng nasa 120 mga lider kabataan kabilang ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan o SK.
Sa mensahe ni Caloocan City Youth Development Office (CCYDO) OIC Leslie Anne Yakit sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, sinabi niya na ang aktibidad ay inorganisa ni Mayor Along Malapitan upang matulungan ang mga kabataan ng lungsod na makaiwas sa ipinagbabawal na gamot.
Pinag-aralan nila sa naturang pagtitipon ang mga batas at programa para sa pagsugpo sa iligal na droga, partikular ang Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA),” ang anti-drugs campaign ng LGU, at ang masamang epekto ng iligal na droga lalo sa kabataan.
Katuwang sa aktibidad ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Caloocan Anti-Drug Abuse Office (CADAO), at ang Caloocan SK Federation gayundin ang iba-ibang samahan ng kabataan.
Photo: Caloocan City Police Station FB, Caloocan City Youth Development Office FB