Presyo ng bigas tumataas dahil patapos na ang anihan ng palay
Mon Lazaro November 29, 2023 at 12:28 AM
BOCAUE, Bulacan — Tumataas na ang presyo ng lokal na bigas dahil sa tumataas na presyo ng palay dulot ng patapos na anihan ng palay ngayong panahon ng tag-ulan.
Kinumpirma ito ni Jun Cid, isang palay classifier sa Intercity Industrial Estate sa Bocaue, Bulacan na isang major rice trading center sa Luzon.
Ayon naman kay Lhara Loreto, isang rice seller sa nasabing lugar, ang presyo ng palay ngayon ay pangkaraniwang umaabot na sa mahigit trenta pesos kada kilo kumpara sa P25 hanggang P26 kada kilo noong kasagsagan ng anihan sa buwan ng Oktubre.
Kinumpirma naman ni Malou Tolentino, isang rice trader sa Intercity Industrial Estate sa Bocaue, na ang kalakaran ngayon ng tuyong palay ay nakakahalaga ng P32.00 hanggang P33.00 kada kilo at ang wholesale price ng bigas ay pangkaraniwang nagkakahalaga ng P2,500 pagtaas kada sako na tumitimbang ng 50 kilo.
Lumilitaw na ang isang kilo ng bigas sa wholesale price nito ay umaabot ng P50 kada kilo at maaaring tumaas pa kumporme sa kalidad ng bigas.
Kinumpirma rin ni Roderico Sulit, vice president ng Intercity Ricemill Owners Association, na ang presyo ng tuyong palay ay nagkakahalaga ng mahigit P30 kada kilo dahilan para tumaas ang wholesale price ng magandang bigas na nakalagay sa 25 kg na sako mula P1,200 hanggang P1,270 magandang bigas 25 kg na katumbas ng P48 hanggang P50.80 kada kilo.
Ayon pa sa kanila, kapag ibinenta na ang mga bigas na galing sa mga wholesalers, ang mga rice retailers naman ay pangkaraniwang nagpapatong ng P4.00 kada kilo dahil may gastos rin sila sa pagbiyahe ng kanilang mga kalakal.
Video: Mon Lazaro