| Contact Us

Programa sa pagkolekta ng plastic at styrofoam inilunsad ng Gawad Kalinga sa Bagong Silang

Reggie Vizmanos December 16, 2023 at 05:00 PM

Inilunsad ng Gawad Kalinga, sa pakikipag-ugnayan sa Environmental Management and Protection Office (EMPO) ng Barangay 176 Bagong Silang, ang Aling Tindera project na naglalayong maasikaso ang basura sa barangay upang maiwasang magdulot ito ng iba-ibang negatibong epekto sa kalikasan tulad ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig.

Sa panayam ng ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, sinabi nina Gawad Kalinga Caloocan Coordinator at Aling Tindera Program Manager Joy Seniara Bernal at Barangay 176 EMPO Head Jose Dante Lista na tinututukan ng programa ang pagpapataas ng “waste diversion rate” ng lungsod sa pamamagitan ng pagkolekta sa mga basurang karaniwang hindi binibili ng mga junk shop kaya madalas na itinatapon na lang kung saan-saan lalo na sa mga daluyan ng tubig.

Ayon kay G. Lista, “Pangunahing nais namin makuha sa mga bahay-bahay ay ang mga tinatawag na single use plastics katulad ng sando bags mula sa palengke; mga sachet ng shampoo, toothpaste, kape, gatas, at iba pa; mga packaging materials galing sa Shoppee, Lazada, etc; mga tarpaulin, mga bote; mga may kulay na PET bottles; at iba pang items na karaniwang hindi tinatanggap ng mga junkshop.”

Ayon naman kay Gng. Bernal, “Sa ilalim ng programang ito, ang naturang uri ng mga basura ay kokolektahin sa mga bahay-bahay, at babayaran ng Aling Tindera program ng 2 piso kada kilo ang mga single-use platics, tarpaulin at styrofoam. Ang mga tinatawag nating Aling Tindera ay kadalasang mga housewife na binibigyan ng programa ng puhunan at mga kagamitan upang bilhin ang mga binanggit nating uri ng mga basura.”

Sa pamamagitan nito anila, ang mga basura ay hindi na mapupunta sa mga daluyan ng tubig o kaya ay sa mga tambakan ng basura o landfill.

Itinuturing nilang “special waste of concern” ang mga styrofoam, na karaniwang nanggagaling sa mga binaklas na sirang refrigerators, at dahil sa laki ay madalas bumabara sa mga daluyan ng tubig.

Karamihan sa mga styrofoams na nakolekta nila ay nagmula sa mga binaklas na refrigerator.

“Sa ngayon ay wala pa kaming imbentaryo ng mga na-turn over na sa programa. Patuloy pa din kasi ang pagdala ng mga naipon namin. Pero sa Styrofoams na nakuha namin mula sa mga clean up ng waterways malamang na may isang tonelada na ito. Ito ang pinakamalaking problema ng aming barangay ngayon dahil sa mga illegal na pagbabaklas ng refrigerators sa ilang karatig naming barangay kung saan sadyang pinaaanod nila sa ilog ang Styrofoams na nanggaling sa pinagbaklasan ng refrigerators. Ang mga ito ay nata-trap sa trash trap na naka-install sa Brgy 176, kami bilang downstream ng ilog na nanggaling sa kanila,” sabi ni G. Lista.

Nagsagawa na sila ng ceremonial turn-over ng mga basura sa programang Aling Tindera.

Sinabi ni G. Lista na inisyatibo nila sa kanilang barangay ang maayos na pag-aasikaso ng mga basura.

“Ako po ang Facility Manager at PCO (Pollution Control Officer) ng Barangay 176 Bagong Silang Treatment, Storage, and Disposal Facility, ang kauna-unahang community-based TSD facility for electronic wastes sa Pilipinas. Ang aking tanggapan ang nangangasiwa ng lahat ng programa na may kinalaman sa wastong pamamahala ng basura ayon sa itinakda ng RA 9003,” sabi niya patungkol sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

“Ang Aling Tindera Facility ay matatagpuan sa Phase 7, malapit sa Nayong Tsinoy. Magkakaroon pa lamang ng Memorandum of Agreement ang barangay at ang Aling Tindera Program kung saan ay magsasagawa ng information, education, and communication (IEC) campaign ang EMPO sa bawat isa sa mga households ng Bagong Silang (na may bilang na 86,000) upang ipaliwanag kung anong mga basura ang pwede tanggapin sa Aling Tindera Program. Ang barangay ay magtatakda ng mga collection schedules para dito.”

“Kasalukuyan pa lamang namin ipinapakilala ang Aling Tindera Program pero nakakatiyak kami na ito ay susuportahan ng mga households. Tanging mekanismo lang kung paano ito kokolektahin sa bawat bahay ang dapat mapag-aralan,” dagdag niya.

Kasabay ng gagawin nilang IEC campaigns sa mga komunidad at bahay-bahay ay target nila umano na maging linggo-linggo ang turn-over nila ng makokolektang basura sa Aling Tindera program.

Ang Aling Tindera Program ay binuo ng mga grupong HOPE (Generation HOPE Inc. at Friends of HOPE, Inc) at Plastic Credit Exchange (PCX) na pawang itinatag at pinamumunuan ni Mrs. Nanette Medved-Po.

Ayon kay Gng. Bernal, “Ang HOPE ay nakipag-partner sa aming Gawad Kalinga upang kami ang magbaba ng ganitong programa sa mga komunidad sa pamamagitan ng aming mga GK communities.

“Sa ngayon po ay nasa Phase 7 Bagong Silang GK Federation pa lang ang Aling Tindera program, pero nais naming palawakin ito at abutin ang iba pang mga barangay ng Caloocan,” sabi ni Gng. Bernal.

“Maganda po ang acceptance ng mga residente sa programang ito. Kasi nga naman na nababawasan na ang mga basura ay nagkakapera pa sila,” dagdag niya.

Photo Jose Dante Lista FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last