Runway Caloocan, Oktoberfest, at bagong mall sa Caloocan
Mike Manalaysay October 5, 2023 at 05:30 PMRunway Caloocan
Binigyan ng pagkilala ng Pamalaang Lungsod ng Caloocan ang mga fashion designer na mula sa lungsod. Ayon sa pahayag ni Mayor Dale “Along” Malapitan, pinangunahan ng kanyang maybahay na si Aubrey Malapitan, na siya ring Chairwoman ng Cultural Affairs and Tourism Council, ang pagkakaloob ng parangal.
“Matagumpay po nating nabigyan ng oportunidad ang ating local designers na ipakita ang kanilang talento sa paggawa ng mga obrang tradisyonal at modernong kasuotang Pilipino,” ayon kay Malapitan.
Nagwagi naman bilang #RunwayCaloocan Grand Champion si Prince Aikee Morales. Pinasalamatan din ng punong lungsod ang mga designer at modelo na sumali at nakiisa sa selebrasyon ng sining at kultura sa Caloocan.
Oktoberfest 2023
Samantala, binuksan na ang October Food Fest sa Caloocan City Hall Commercial Complex – South nitong October 3. May pamagat itong, “Oktoberfest 2023: Lasap-Sarap sa Kankaloo.”
Iniimbitahan ni Mayor Along Malapitan ang mga residente ng Caloocan na bumisita sa food fest at makisaya.
“Iba’t ibang pagkain at inumin po ang maaari niyong mapagpilian at mabili. Mayroon din po tayong live acoustic performances para sa mas masayang food fest.”
Bukas ang Caloocan October Food Fest mula 11:00 a.m. hanggang 11:00 p.m. Tatagal ito hanggang October 27, 2023.
Bagong mall sa Caloocan
Pormal nang binuksan sa publiko ang Ziti Center Mall na matatagpuan sa 7th Avenue corner 8th Street, malapit sa Caloocan
Pinangunahan ni Mayor Along Malapitan ang ribbon-cutting ceremony sa bagong mall sa lungsod na magdadala aniya ng dagdag na kita sa Caloocan.
“Bukod sa pagbibigay ng panibagong pasyalan para sa mga Batang Kankaloo, inaasahan po natin ang dagdag na tulong ng Ziti Center Mall sa ekonomiya ng ating lungsod, kabilang na ang pagpapalago ng mga negosyo at pagbibigay ng mga trabaho,” ayon kay Malapitan.
Iniimbitahan din ng alkalde ang iba pang negosyante na maaari nilang dalhin ang kanilang negosyo sa lungsod.
“Sa iba pong negosyanteng nais mamuhunan, bukas na bukas po ang Lungsod ng Caloocan para sa inyo,” pagwawakas ng pahayag.
Photo: Mayor Along Malapitan FB