San Jose del Monte, napiling pilot area para sa National Broadband Network sa Bulacan
Arkipelago News Bulacan January 12, 2026 at 10:19 PM
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Napili ang San Jose del Monte City bilang pilot area ng National Broadband Network (NBN) sa lalawigan ng Bulacan, kasabay ng pormal na paglulunsad ng National Fiber Backbone Phase 1.
Ang naturang proyekto ay naglalayong maghatid ng mas mabilis, mas matatag, at government-owned na internet connection na sadyang inilaan para sa mga tanggapan ng pamahalaan. Sa ilalim ng inisyatibong ito, inaasahang magiging mas episyente ang komunikasyon at transaksyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno sa lungsod.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang National Fiber Backbone ay magsisilbing pundasyon upang palakasin ang digital services ng gobyerno. Inihahanda rin nito ang isang mas maaasahang internet infrastructure para sa Hilaga at Gitnang Luzon, na itinuturing na malaking hakbang tungo sa modernisasyon ng serbisyo-publiko.
Ang pagpili sa San Jose del Monte bilang pilot area ay bahagi ng mas malawak na plano ng pamahalaan na bigyan ng solusyon ang network gaps sa bansa sa pamamagitan ng National Broadband Project. Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at ng DICT upang masigurong magiging maayos ang implementasyon ng nasabing imprastruktura.
📷 Department of Information and Communications Technology