Tamang timbang sa mga palengke, Oplan Bulabog at CARD program ipinatupad sa Caloocan
Reggie Vizmanos November 6, 2023 at 07:20 PMNaglagay ang lokal na pamahalaan ng Caloocan ng timbangan sa mga pampublikong palengke sa lungsod upang magamit ng publiko sa kanilang pag-check o pagtitiyak kung tama ba ang timbang ng produktong kanilang binibili.
Ayon sa LGU, ang programa, na tinawag nilang Timbangan ng Bayan sa Bawat Pamilihan at pangunahing pangangasiwaan ng Market Operation Division, ay bahagi ng pagpapahalaga at pangangalaga sa kapakanan ng mga mamimili gayundin ng mga mamumuhunan sa pagtitinda.
Ito rin ay pagtitiyak ng maayos at tapat na kalakalan sa lungsod pati ng magandang pakikitungo at relasyon sa pagitan ng mga negosyante at mamimili.
Samantala, naglunsad ang lokal na pamahalaan at ang Caloocan City Police Station (CCPS) ng “Oplan Bulabog” upang ipaalala sa publiko ang pagsunod sa mga ordinansa ng lungsod at sa mga pambansang batas na may layuning panatilihin ang katahimikan at kapayapaan sa lugar.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Office of the Mayor, Public Safety and Traffic Manangement Department (PSTMD), CCPS, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at kasama ang mga opisyal ng barangay at mga volunteer groups tulad ng Public Support Assiatance Response, Inc. PSAR) at Guardians.
Sinuyod ng grupo ang iba-ibang barangay partikular ang matataong lugar sa lungsod kabilang ang Maypajo, Bagong Barrio, Sangandaan at Dagat-dagatan.
Sinabi ni Mayor Along Malapitan na magiging tuloy-tuloy ang ganitong pag-iikot, lalo na tuwing alanganing oras ng gabi, para sa kapanatagan ng bawat residente.
Hiniling niya sa mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak, kasabay ng pagpapaalala niya na sa tahanan nagsisimula ang pagtuturo ng disiplina upang maiiwas ang mga kabataan sa kapahamakan.
Sa iba pang balita, nasa isang libong residente ng Caloocan ang naging benepisyaryo sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) program ng pamahalaan na inilunsad sa lahat ng 33 congressional districts sa 17 local government units (LGUs) sa buong National Capital Region (NCR) at ilang mga lugar sa lalawigan.
Ang programa ay itinaguyod ng Office of the President, Office of House Speaker Martin Romualdez katuwang ang 33 NCR congressmen, at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng programa nito na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Prayoridad na pinili ng DSWD na maging benepisyaryo ng programa ang mga mahihirap, senior citizens, mga person with disability (PWDs), mga solo parents at indigenous people (IPs).
Sa Caloocan ay isinagawa ang programa sa pangunguna nina Representatives Oca Malapitan (1st District), Mitch Cajayon-Uy (2nd District) at Dean Asistio (3rd District).
Ayon kay Speaker Romualdez, ang bawat benepisyaryo ay pinaglaanan ng cash assistance na P2,000 hanggang P2,500 depende sa pangangailangan ng pamilya, at ang halaga na ito ay puwede rin nilang ipambili ng mura at de-kalidad na bigas sa halagang P38 bawat kilo sa mga rice retailers na ka-partner ng programa.
Photo: Mayor Along Malapitan FB, Caloocan PS React FB