TB education campaign para sa mga kabataan sa Caloocan City, inilunsad
Reign Benitez May 27, 2021 at 10:06 AMInilunsad nitong Lunes sa Caloocan City ang “Tibay ng Dibdib: A Citywide TB Education Campaign” para sa mga kabataan sa lungsod.
Layunin ng proyekto na mapalaganap ang kaalaman hinggil sa sakit na Tuberculosis (TB) sa pamamagitan ng online learning ng mga mag-aaral kung saan maaaring talakayin ito sa kanilang Health subject, service delivery, at pamamahagi ng iba’t ibang information, education, at communication (IEC) materials.
Ilan sa mga tinalakay dito ay ang mga sintomas ng TB gaya ng labis na pagpapawis sa gabi, pabalik-balik na lagnat, pagbaba ng timbang o pamamayat, at ubo na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa.
Paliwanag ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang iba pang mga sakit sa gitna ng umiiral na pandemya.
“Kasabay ng pandemyang COVID-19, kinakailangan din natin bigyan pansin ang iba pang pangangailangang serbisyong medikal at information awareness higit na sa mga kabataan ng iba pang sakit gaya ng TB,” pahayag ni Mayor Oca.
Naging posible ang nasabing proyekto sa pangunguna ng lokal na pamahalaan, Schools Division Office of Caloocan City, at sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), Department of Health National Tuberculosis Control Program, United States Agency International Development’s TB Platforms, University Research Company.
Photo courtesy of Mayor Oca Malapitan Fb page