TEDx MHPNHS Youth 2026, nagtampok ng mga ideyang humuhubog sa Kabataang Maloleño
Angelo Calixtro March 2, 2026 at 07:54 PM
Isinagawa noong Pebrero 27, 2026 ang TEDx Marcelo H. Del Pilar National High School (MHPNHS) Youth 2026 sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa Provincial Capitol, Malolos, tampok ang mga ideyang naglalayong magbigay-inspirasyon at maghubog ng mas progresibo at matalinong pamayanan.
Sa temang “KINAIYA: Who We Are and Who We Choose To Be,” nagbahagi ng kani-kanilang kuwento at pananaw ang mga piling mag-aaral at inimbitahang tagapagsalita sa ikalawang taon ng TEDx event na inorganisa ng Marcelo H. Del Pilar National High School. Dinaluhan ng mga mag-aaral at mga residente ng lungsod na nagnanais makinig at matuto mula sa iba’t ibang perspektibo.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita ang broadcast journalist na si Howie Severino, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon at layunin. Ayon sa kanya, hindi dapat maging hadlang ang hirap ng isang bagay kung nauunawaan ang halaga nito—isang mensaheng umani ng positibong tugon mula sa mga dumalo.
Nakibahagi rin ang Lokal na Pamahalaan ng Malolos sa pamamagitan ng City Information Division, na nagbigay ng teknikal na suporta at dokumentasyon sa programa bilang bahagi ng pagsusulong ng edukasyon at paglinang sa kakayahan ng kabataan.
Ang TEDx MHPNHS Youth ay isang independently organized event na naglalayong maihatid sa komunidad ang diwa ng TED—ang pagbabahagi ng makabuluhang ideya at karanasan na maaaring magsilbing inspirasyon at gabay sa personal at kolektibong pag-unlad.
Sa kabuuan, ipinamalas ng aktibidad ang aktibong partisipasyon ng kabataang Maloleño sa diskursong intelektuwal at ang patuloy na suporta ng komunidad sa mga programang nagtataguyod ng kaalaman at pagbabago.
📷 Malolos City Information Office FB