Top 5 Most Wanted Person ng Fairview, Quezon City, arestado
Ace Cruz July 7, 2021 at 07:20 AMPinapurihan ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Fairview Police Station matapos nilang maaresto ang Top 5 most wanted person ng naturang istasyon.
Kinilala ang suspek bilang si Jennylyn Cascaño Basmayor alyas Francess Cascaño na may kasong robbery sang-ayon sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Manuel Sta. Cruz Jr., ng RTC branch 226 ng Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ni NCRPO Chief, Police Major General Vicente Danao Jr., na kanyang ikinagagalak at ipinagmamalaki ang epektibong intelligence monitoring ng naturang istasyon ng pulisya.
“Ako ay nagagalak sa matagumpay na pagkakaaresto sa isa sa mga Top Wanted Persons ng Fairview Station. Inaasahan ko na ang ating mga operatiba ay laging tutupdin ang ating tungkulin na hanapin at iharap sa hukuman ang mga akusadong nagtatago sa kamaynilaan,” ayon kay Danao.
Noong Hulyo a-dos ay may nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad sa Fairview Police Station hinggil sa kinaroroonan ng suspek.
Maagap namang nagsagawa ng surveillance operation ang pulisya. Nang makumpirmang siya nga ang pinaghahanap ng batas, ikinasa ang paghuli sa suspek.
Matapos ang pag-aresto kay Cascaño, agad siyang dinala sa tanggapan ng pulisya.
Photo courtesy of Fairview Police Station