Traffic enforcer sa QC, nasawi matapos masagasaan ng truck. Nakunan ng CCTV ang pangyayari
Kate Papina March 25, 2023 at 10:53 PMIsang traffic enforcer sa Quezon City ang binawian ng buhay matapos siyang masagasaan ng 16-wheeler truck. Inaalalayan niya ang mga taong papatawid sa pedestrian lane sa A. Bonifacio Avenue, Brgy. Balingasa nang matamaan ng paparating na truck, noong March 22, dakong 5:30 ng hapon. Nakunan ng CCTV ang insidente.
Kinilala ang biktima na si Jeffrey Antolin, 35, traffic enforcer ng Quezon City Traffic and Transport Management Department. Naisugod pa siya sa Manila Central University Hospital pero idineklarang “dead on arrival” dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.
Inaresto naman ng QCPD police ang driver ng truck na kinilalang si Joel Dimacali, 47, nakatira sa Asuncion St., Tondo, Maynila. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. Posible ring magkaroon ng civil at criminal liability ang operator ng truck.
Ayon kay QCPD District Director Nicolas Torre III, isasailalim nila sa forensic examination ang truck at nagsagawa na rin sila ng technical inspection para alamin kung nagkaroon ng mechanical failure ang preno ng truck.
Sa kasalukuyan, nakaburol na ang mga labi ng biktima sa kanilang tahanan sa Barangay San Jose, Quezon City.
Source: PTV, Traffic and Transport Management Department FB, La Ni FB