| Contact Us

Trillanes kakandidato nga bang mayor ng Caloocan sa 2025?

November 24, 2023 at 04:40 PM

Maraming lumalabas na balita na si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ay nagpaplanong tumakbo bilang mayor ng Caloocan City sa 2025 election. Gaano ba ito katotoo?

Ipinanganak at lumaki si Trillanes sa BF Homes sa Barangay 169, District 1 ng Caloocan. Doon din umano siya regular na bumoboto tuwing halalan.

Sa mga post ng KKKCaloocan (Kaunlaran at Kaayusan para sa Kalookan) Facebook page makikita ang mga aktibidad ng dating senador. Sa huling post doon nitong November 23 na may pamagat na, “Bakit daw ako tatakbong Mayor ng Caloocan?”, sinabi umano ni Trillanes ang mga sumusunod :

“May nagtatanong daw kung bakit ako tatakbong mayor ng Caloocan eh wala naman akong pera. Ang sagot ko naman, 12 years akong senador na wala na rin akong pera dahil di ako nagnanakaw. Subalit nagsilbi ako nang tapat at pinarangalan pa ng Senado na may pinakamaraming naipasang batas,” ayon sa post.

“Sa madaling salita, ang pera ay hindi mahalaga sa pagtakbo bilang mayor. Ang mahalaga ay ang integridad para magserbisyo nang tapat at maiahon mula sa kahirapan ang mga taga-Caloocan at para rin mapaunlad ang ating syudad,” dagdag pa niya.

Sa naunang pahayag ni Trillanes sa live interview sa kanya ng programang “Sa Totoo Lang” ng One News TV network, ipinaliwanag niya na, “Alam niyo itong Caloocan napag-iwanan na sa Metro Manila. Ang Caloocan ay isa sa may pinakamataas na poverty incidence at yung mga programa ng Caloocan city government talagang lacking, so kawawa talaga ‘yung mga residente diyan.”

Mapapansin din na bukod sa KKKCaloocan ay mayroon pang ibang Facebook pages at Facebook accounts (tulad ng Magdalo) na panay ang post ng mga aktibidad ni Trillanes partikular ang pamamahagi niya ng ayudang bigas sa iba-ibang barangay ng lungsod. Inilalabas din ng mga ito ang mga balita at iba pang isyu sa Caloocan.

Tungkol naman sa tanong ng ilang netizen kung paghahanda na ba sa eleksyon ang kaniyang ginagawang pamamahagi ng ayuda, sinabi ni Trillanes sa panayam ng programang “On Target” sa DZME radio, na nagsimula siyang mamigay ng ayuda sa Caloocan noon pang pumutok ang COVID-19 pandemic. Itinuloy lang daw niya ngayon dahil napapansin niya na maraming residente ng lungsod ang nahihirapan sa buhay at nangangailangan talaga ng ayuda.

Pero desidido na ba talaga si Trillanes sa pagtakbo sa pagka-alkalde ng Caloocan sa 2025? Sinabi niya sa mga panayam na patuloy pa niya itong pinag-iisipan.

“Pinapakinggan po natin yung mga hinaing ng mga kababayan natin doon at yung mga kakulangan ng city government. At the proper time magde-decide po tayo,” aniya.

Photo: Antonio “Sonny” Trillanes IV FB

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last