Unang LGU- initiated Kadiwa Bagsakan Center sa Caloocan, bukas na sa publiko
July 28, 2023 at 07:04 PMBinuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Caloocan ang Kadiwa Bagsakan Center (KBC) na naglalayong magtinda ng mga produkto sa abot-kayang halaga.
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang inagurasyon ng Bagsakan Center sa Phase 9, Barangay 176, Bagong Silang sa lungsod noong Martes, Hulyo 25.
Ito ang unang bagsakan center na naitatag sa Metro Manila na mula sa lokal na pamahalaan na nagtatampok ng maluwag na lugar na may mahigit 200 stalls para sa dry goods, wet market, at general merchandise.
Ayon pa sa alcalde, isinulong ng pamahalaang lungsod ang paglikha ng KBC upang maibsan ang mga problema sa nutrisyon sa mga low-income areas sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang permanenteng lokal na pamilihan na may abot-kayang produkto.
Tiniyak din ng punong lungsod na ang mga produkto na ibinebenta sa bagsakan center ay garantisadong malinis, ligtas, at may mataas na kalidad. May ibibigay ring tulong para sa mga manininda.
“Mga Batang Kankaloo! Murang bilihin, malinis na pasilidad at komportableng pamilihan ang hatid ng Kadiwa Bagsakan Center para sa inyo. Para naman sa ating mga vendors, ililibre muna natin ng anim na buwan ang upa rito. Pagkatapos ng anim na buwan at kumikita na kayo, saka na tayo mag-uusap muli,” wika ni Mayor Malapitan.
Gayundin, ipinahayag din ng alkalde na ang bagsakan center ay naaayon sa isa sa kanyang pangunahing layunin na mapabuti ang lokal na ekonomiya ng lungsod. Nanawagan din siya sa kanyang mga nasasakupan na suportahan ang mga proyekto tulad ng KBC upang matiyak ang katuparan ng nasabing layunin.
“Hindi lang po palengke ang layunin ng KBC, kundi para rin sa ekonomiya ng ating lungsod. Simula naman po ako ay naging Mayor, isa naman po lagi sa aking mga naging program ang palakasin, pagalawin ang ating ekonomiya,” wika ng alkalde.
“Ibinibigay po ng pamahalaang lungsod ang oportunidad na magkaroon ng pagkakakitaan ang ating mga mamamayan. Kaya sana ay suportahan natin ang KBC; kumita ka na, nakatulong ka pa sa ekonomiya ng ating lungsod,” dagdag niya.
Photo: Caloocan PIO, Congressman Oca Malapitan FB