Vice Mayor Yul Servo, loyal sa “Asenso Manileño ni Lacuna
Anna Hernandez October 28, 2024 at 08:42 PM
MAYNILA — Tinuldukan ni Manila Vice Mayor Yul Servo ang mga kumakalat na intriga na lilipat na siya ng kampo matapos siyang dumalo sa isang bingo event na inorganisa ng supporter ng kalabang partido.
Nilinaw ni Servo na inimbitahan siya ng isang barangay official na organizer ng bingo event, kaya siya dumalo sa naturang okasyon. Bilang patunay ng kanyang patuloy na pagsuporta, kinanta pa niya ang jingle ng Partido upang ipromote si Manila Mayor Honey Lacuna.
Sa pinakahuling “Ugnayan” ng lokal na partidong “Asenso Manileño,” itinaas ni Servo ang kamay ng reelectionist na si Manila 3rd district Representative Joel Chua bilang tanda ng pag-endorso. Aniya, buo ang kanyang suporta kay Chua, kaya’t dapat na aniyang manahimik ang mga nagpapakalat ng intriga.
Binigyang-diin ni Servo ang kanyang katapatan sa partido at sinabing hinahangaan niya si Mayor Lacuna dahil sa ipinapakita niyang tunay na serbisyo publiko.
Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Chua na hindi siya nagdududa sa loyalty ni Servo at nanawagan siya sa mga kritiko na itigil na ang pagkakalat ng mga tsismis.
Isa si Congressman Chua sa limang kasalukuyang kongresista na nasa tiket ng Lacuna-Servo tandem. Kasama rin dito sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district), Edward Maceda (4th district), Irwin Tieng (5th district), at Benny Abante (6th district).
Nabatid na ang kapatid ni Servo na si Apple Nieto ay kabilang sa partido ng Moreno-Atienza tandem at makakalaban ni Chua ng Asenso Manileño.
Samantala, si Servo, na muling tumatakbo sa pagka-bise alkalde, ay makakaharap ang bise ni Isko Moreno na si Chi Atienza Valdepeñas.
📷 Yul Servo