12 days transport strike inilunsad ng PISTON at MANIBELA sa Monumento
Reggie Vizmanos December 20, 2023 at 04:38 PM
Inilunsad ng mga grupong PISTON at MANIBELA ang tinawag nilang “12 days of transport strike” simula Disyembre 18 hanggang 29 bilang protesta sa December 31 deadline na itinakda ng pamahalaan para sa konsolidasyon at pagsali sa kooperatiba ng mga operator ng mga public utility jeepney (PUJ).
Isinagawa ang “main program” ng protesta sa Monumento Circle sa Caloocan, kung saan ay nagtipon-tipon ang mga transport groups ng iba-ibang lugar sa National Capital Region (NCR) at Bulacan, at
pagkatapos doon ay nagtungo na ang mga nagprotestang tsuper sa kani-kanilang Strike Center sa kanilang ruta ng biyahe sa iba-ibang bayan.
Ipinanawagan nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanselahin ang December 31 deadline ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga unit ng PUJ at ibasura ang planong phaseout ng mga traditional jeepney.
Una rito ay sinabi ni Pangulong Marcos na hindi na siya magpapatupad ng extension sa nakatakdang deadline na Disyembre 31, 2023 para mag-consolidate at sumali sa kooperatiba ang mga operator ng mga PUJ upang makabiyahe pa rin sila sa susunod na taon.
Ang iba naman na kasapi na sa transport cooperative ay nasa direksyon na ng pagkuha ng tinatawag na modern jeepney bagama’t sinasabing nagkakahalaga ito ng 2.4 milyong piso.
Ayon kina MANIBELA president Mar Valbuena at PISTON president Mody Floranda, hindi sila tutol sa modernisasyon basta’t hindi nito kikitlin ang kalayaan sa kabuhayan ng mga tsuper at operator at hindi magbubunsod ng pagtaas ng pamasahe para sa mga commuter.
Inihayag naman ng PISTON na patuloy na umaani ng suporta mula sa mga grupo sa iba-ibang bansa ang pakikipaglaban ng mga PUJ drivers at operators para sa kanilang hanapbuhay lalo na mula sa nakaraang welga nila noong Disyembre 14-15.
Isa rito ay ang Philippines Australia Union Link na binubuo ng 12 pederasyon ng mga unyon ng manggagawa sa Australia at nakabase sa New South Wales (NSW) na nagsabing, “The Philippines Australia Union Link sends its solidarity to you on your militant action against the so-called Public Utitlity Vehicle Modernization Program which aims to deprive you of your jobs and incomes and deprive the Filipino people of low-cost and accessible public transport service.”
Nagdeklara rin ng suporta ang International Transport Workers’ Federation (ITF) na nakabase sa United Kingdom. Ayon sa ITF, “Solidarity with the jeepney drivers of Piston who today renew their strike in protest against unfair vehicle phaseout plans. Just transition plans must be worker led and have economic and social justice at their heart.”
Gayundin ang National Union of Rail Maritime and Transport Workers – UK na nagsabing, “The new conditions set for becoming an operator, with the very high costs involved, will put public transport into the hands of wealthy private corporations while jeepney drivers will be thrown into poverty and unemployment.”
Iba-ibang grupo rin sa bansa ang nagdeklara ng suporta sa mga PUV drivers and operators.
Sinabi ng Bayan Muna Partylist South Caloocan na naglabas ng Manifesto ng Pagkakaisa ang maraming personalidad at grupo sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) kabilang ang mga lider ng simbahan tulad nina Bishop Arturo Bastes, Fr. Noel Gatchalian, Sr. Lilia Tolentino, at maraming iba pa.
Anila, “Sa CAMANAVA, mahigit 25 ang ruta ng dyip na dumadaloy at nasa 12,000 na drayber at opereytor ang maaapektuhan nitong phaseout. Sasalubungin ng 12,000 na ito sampu ng kanilang mga pamilya ang 2024 na walang trabaho…”
Tulad naman ng nakaraang mga transport strike ay naglabas ang lokal na pamahalaan ng mga rescue vehicles para sa “libreng sakay” para sa mga apektado ng transport strike.
Pinakilos din ang mga kawani sa ilang mga tanggapan nito gayundin ang city police upang tiyaking magiging payapa at ligtas para sa lahat ang sitwasyon.
Photo: screengrab from MANIBELA Live