Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Caloocan
Reggie Vizmanos October 31, 2023 at 02:09 PMBarangay at Sangguniang Kabataan election sa Caloocan
- Comelec mahigpit na sinusuri ang resulta ng Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) sa pinakamalaki at pinakamaliit na barangay sa Pilipinas na matatagpuan sa Caloocan
- Iba-ibang grupo nagtulong-tulong sa pagtitiyak ng payapa at maayos na halalan
-Idinaos na eleksyon ‘generally peaceful’ ayon sa city police
Mahigpit na sinusuri ng Commission on Elections ang naging resulta ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 sa Barangay 176, Bagong Silang sa Caloocan na kinikilalang barangay na may pinakamalaking populasyon at pinakamaraming botante sa Pilipinas, gayundin sa Barangay 76 sa Caloocan din na siya namang may pinakakaunting bilang ng botante.
Ito ang tiniyak ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco.
Ang Barangay 176 ay mayroong populasyon na 261,729 base sa 2020 census, at ito rin ang may pinamaraming botante na umaabot sa 90,209 registered voters.
Ayon kay Laudiangco, sa dami ng botante sa naturang barangay ay inaabot ng hanggang kinabukasan ang bilangan ng boto para malaman kung sino ang mga nanalo sa eleksyon.
Samantala, tiniyak naman ni Laudiangco na maglalaan ang Comelec ng espesyal na pagsusuri sa Barangay 76 na napaulat na mayroon lang dalawang residente dahil ang halos lahat ng mga dating naninirahan doon ay lumipat na ng tirahan malapit sa kanilang pinagtratrabahuhan.
Mayroon umanong 210 regular registered voters sa Barangay 76 at mayroon ding 85 Sangguniang Kabataan (SK) voters.
Lumitaw pa sa mga impormasyon na ang mga residenteng lumipat na ng bahay sa ibang lugar ay nananatiling nakarehistro bilang botante sa Brgy. 76 at patuloy pa rin silang nakakaboto roon at nakakalaban pa bilang kandidato.
Maging ang kapitan at mga kagawad umano ng barangay ay sa ibang lugar na rin nakatira.
Sinabi ni Laudiangco na hindi papayag ang Comelec na malabag ang probisyon ng batas, partikular ng Batas Pambansa 222, na nagtatakdang ang mga kandidato at botante ay dapat aktuwal na nakatira nang hindi bababa sa anim na buwan sa barangay kung saan siya kakandidato o boboto.
Nagtulong-tulong ang iba-ibang grupo sa lungsod upang tiyakin ang maayos na halalan.
Pinangunahan ito ng Comelec, Northern Police District (NPD), Caloocan City Police Station (CCPS), Bureau of Fire Protection (BFP), Caloocan LGU, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), iba-ibang mga simbahan at relihiyon, Philippine Red Cross Caloocan Chapter, mga NGO at volunteer groups, at media.
Mula sa araw ng paghahanda sa halalan ay nagsanib-puwersa na ang mga grupong ito partikular sa paglulunsad ng mga orientation seminars, peace covenant signing sa mga kandidato, pagbabaklas ng mga iligal na campaign materials at iba pang aktibidad, at hanggang sa mismong araw ng eleksyon at sa bilangan ng mga boto.
Mapayapa at maayos ang pagdaraos ng BSKE sa Caloocan. Sa text ni Caloocan City Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN, sinabi niya na, “Generally peaceful po ang ating halalan sa Caloocan.”
Dagdag pa ni Col. Lacuesta na “negative” o walang naitalang insidente ng kaguluhan o seryosong paglabag sa batas pang-halalan.
Ayon din kay Northern Police District (NPD) Dictrict Director PBGen. Rizalito Gapas, “Throughout the entire election day, no adverse incidents have been recorded since the polls opened. The Northern Police District (NPD) reiterates its unwavering dedication to ensure the Barangay and Sangguniang Kabataan Election 2023 is characterized by honesty, orderliness, and a peaceful atmosphere.” (Sa kabuuan ng halalan, walang naitalang di kanais-nais na insidente. Ang NPD ay patuloy sa dedikasyon nito na tiyakin ang tapat, maayos at mapayapang BSKE 2023.)
Photo: Bagong Silang ES website, Caloocan PS React