Mayor Jonjon Villanueva nakiisa sa 2026 LMP General Assembly
Angelo Calixtro March 12, 2026 at 02:04 PM
BOCAUE, Bulacan — Nakiisa si Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva Jr., sa 2026 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ginanap sa Marriott Hotel mula Marso 8 hanggang 11.
Tinalakay sa pagpupulong ng mga lokal na pinuno ang mga pangunahing isyu at hamon na kinakaharap ng mga bayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nakibahagi si Villanueva, na pangulo ng LMP – Bulacan chapter, kasama ang mga kapwa alkalde ng lalawigan at buong bansa sa mga talakayan hinggil sa pagpapalakas ng lokal na pamamahala, pagbabahagi ng mga epektibong programa, at paghahanap ng mga konkretong solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng mga lungsod at munisipalidad.
Ayon sa mga organizer, layunin ng taunang pagpupulong ng LMP na mapalalim ang koordinasyon at ugnayan ng mga lokal na pamahalaan upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng mga proyekto at serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mamamayan.
Nilinaw rin sa pagpupulong ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga alkalde sa buong bansa upang mas mabilis na matugunan ang mga hamon sa lokal na pamamahala at mapalakas ang paghahatid ng serbisyo publiko.
📷 Mayor Jonjon JJV Villanueva FB