Mga alagang hayop, nabigyan ng libreng serbisyong beterinaryo sa Pasig sa pagbubukas ng Rabies Awareness Month
Angelo Calixtro March 11, 2026 at 02:27 PM
PASIG CITY — Daan-daang alagang aso at pusa ng mga residente ng Pasig ang nakatanggap ng libreng serbisyong beterinaryo sa ginanap na kick-off activity ng Rabies Awareness Month 2026 noong Marso 6 sa Maybunga Rainforest Park.
Pinangunahan ng Veterinary Services Department ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, katuwang ang ilang partner associations, ang buong araw na aktibidad na nag-alok ng libreng anti-rabies vaccination, RFID microchipping, at pagkakapon o spay at castration para sa mga alagang hayop.
Ayon sa ulat ng lungsod, umabot sa 315 alagang hayop ang nabakunahan laban sa rabies, habang 314 naman ang nalagyan ng RFID microchip.
Nasa 88 aso at pusa ang sumailalim sa spay at castration procedures bilang bahagi ng kampanya para sa responsible pet ownership.
Bukod sa libreng serbisyong beterinaryo, naglagay rin ng mga booth ang mga partner-sponsor na nagbigay ng libreng pet supplies at iba pang merchandise sa mga dumalong pet owners.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang rabies prevention efforts sa lungsod at hikayatin ang mga Pasigueño na maging responsableng pet owners. Nagkaroon din ng information drive tungkol sa rabies transmission, prevention, at kahalagahan ng regular na pagbabakuna at pagpapakapon ng mga alagang hayop.
Sa maikling programa, nagbigay ng mensahe si Dr. Maria Sheilla Ordinario ng Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry, na nagpaalala sa publiko tungkol sa responsible pet ownership at sa mga probisyon ng Rabies Act.
Dumalo rin si Pasig Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski Jr., na nagbigay-diin sa responsibilidad ng mga pet owner na bantayan ang kanilang mga alaga at iwasang hayaang gumala ang mga ito sa mga pampublikong lugar.
Hinimok din niya ang mga may-ari ng alagang hayop na gumamit ng leash kapag inilalabas ang kanilang mga alaga at sumunod sa umiiral na mga ordinansa ng lungsod, kabilang ang tamang pagtatapon ng dumi ng alagang hayop sa mga pampublikong lugar.
📷 Pasig City Public Information Office