P802M halaga ng shabu natagpuan sa baybayin ng Bataan
Mon Lazaro August 15, 2025 at 10:17 AM
CAMP OLIVAS, Pampanga — Natagpuan ng mga operatiba ng pulisya ang anim na sako ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 118 kilo at halagang P802,400,000 sa baybayin ng Barangay Sisiman, Mariveles, Bataan noong Agosto 14.

Ayon kay Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., direktor ng pulisya sa Central Luzon, isang concerned citizen ang nag-ulat sa Bataan Police tungkol sa kahina-hinalang kontrabando malapit sa parola sa bayan ng Mariveles.

Agad na rumesponde ang pulisya at narecover ang hinihinalang iligal na droga. Isinagawa rin ang imbentaryo sa harap ng mga kinatawan ng media, mga opisyal ng barangay, at kinatawan mula sa Department of Justice.
Isasailalim ang mga nakumpiskang droga sa pagsusuri sa laboratoryo sa pangangasiwa ni Lt. Col. Amilyn Maclid ng Bataan Forensic Unit.

Ayon kay Peñones, ang “significant recovery” na ito ay patunay sa mga maaaring makamit kapag nagtutulungan ang komunidad at ang mga tagapagpatupad ng batas.

“We commend the concerned citizen who came forward and our operating units for their swift and coordinated action. Every kilo of drugs we take off the streets is a step closer to safeguarding our communities and securing a better future for our nation,” aniya.
📷 Police Regional Office 3