| Contact Us

Pabrikang nagpasweldo ng barya, sinuspindi

Cristine Cabanizas July 1, 2021 at 07:37 AM

Sinuspindi ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang kumpanyang Nexgreen matapos itong ireklamo ng pagbabayad gamit ang singko at bente singko sentimos na barya sa isa nilang manggagawa.

Hindi makapaniwala si Russel Mañosa na ang pinagtrabahuhan niya ng dalawang araw sa pabrika, babayaran ng sangkaterbang barya na nagkakahalaga raw ng 1,056 pesos.

Sa isang Facebook post, inilabas ni Odniemrud Eniger ang kanyang pagkadismaya matapos daw na makakuha ng sahod ang kanyang pinsan ng napakaraming barya na nakalagay sa plastik.

“Bakit ganito naman po ‘yung pasahod sa pinsan ko sa pabrika Canumay West (NEXT GREEN) ‘yung pangalan ng pabrika sobrang pambabastos po talaga ‘to sa pinsan ko na ganito ‘yung pinasahod puro CENTIMO binigay sa kanya 12-hrs ‘yung duty tapos 528 lang pasahod sa kanila, sobrang nakakabastos po talaga ‘tong ginagawa nila,” ayon sa Facebook post ni Odniemrud.

Nanawagan si Odniemrud sa kanyang Facebook post na sana ay matulungan sila at maaksyunan ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang diumano’y hindi makatarungang pagtrato ng kompanya sa kanyang pinsan.

“Sana naman po magawan ng aksyon ‘tong kompanya na ‘to sa ginawa nila sa pinsan ko. Sobra-sobra ‘tong ‘di maganda ‘yung ginawa sa kanya pinahirapan kunin ‘yung sahod tapos CENTIMO pa po ‘yung binigay sa kanyang sahod. REX GATCHALIAN Sana Mapansin n’yo po itong post ko,” pahayag ni Odniemrud.

Nakarating sa alkalde ang sumbong at agad ding inaksyunan.

Sisiguraduhin daw ni Mayor Gatchalian na mananagot ang dapat managot dahil ang ganitong pagtrato raw sa mga empleyado ay hindi dapat pinapalampas.

“I’ll see to it that we get to the bottom of this “cruel and unusual” labor practice and deal with it accordingly,” pahayag ni Mayor Gatchalian sa kanyang Facebook post kaugnay ng isyu.

Kahapon, June 30, nakipagpulong si Mayor Gatchalian sa nagrereklamo at sa may-ari ng NexGreen Enterprise na si Jasper So. Hindi itinanggi ng may-ari ang reklamo ni Russel.

“Iyong coins ay hindi intended kaya lang kung nagkamali man ‘yung checker regardless nagkamali man or what it’s my command of responsibility, so I accept anything, hindi na ako co-contest,” pahayag ni So.

Dagdag pa ni So, pagkakamali lang daw ang nangyari dahil ang mga barya raw ay iaalay sana para sa kanyang relihiyon.

Pero hindi naniniwala si Russel na nagkamali lang sa pagbibigay sa kanya ng barya bilang sahod.

Ayon kay Rusel nagkaroon na raw ng hindi pagkakaunawaan si So at ang iba pang empleyado dahil sa diumano’y hindi pagpapasahod sa kanila ni So ng tama.

“Noong Friday pumunta po kami marami po kami ‘yung mga kasamahan ko po kukuha ng sahod, sabi po ng checker bukas daw po, yung iba po kailangan ng pera kasi may mga pamilya may mga anak po, ‘yung isa po naming kasamahan nagreklamo dahil wala silang pera, walang panggastos, pumunta silang barangay at sumabay na ako,” pagkukwento ni Russel.

Base sa BSP Circular No. 537, Series of 2006, ang mga baryang nagkakahalaga ng piso hanggang limang piso ay maaaring gamiting pambayad sa halagang hindi lalagpas sa isang libo piso; samantalang ang mga baryang nagkakahalaga ng isang sentimo, singko sentimo at bente singko sentimo naman ay maaaring gamiting pambayad sa halagang hindi lalagpas sa isandaang piso.

Nilabag diumano ng kumpanya ang Article 19 of the Civil Code of the Philippines na basehan ng Bangko Sentral ng Pilipinas Circular No. 537, Series of 2006.

Bilang pagtugon sa mga reklamo laban sa NexGreen, sinuspindi ni Mayor Gatchalian ang buong operasyon ng pabrika at binigyan ng labinlimang araw ang kumpanya para ilagay sa ayos ang kanilang operasyon.

Nahaharap din si So sa mga kasong may kinalaman sa hindi maayos na pagpapasahod at hindi pagbibigay ng benepisyo sa kanyang mga empleyado.

Hinihiling naman ni Russel na huwag na sanang ulitin ni So ang ganitong klase ng pagtrato sa mga manggagawa ng pabrika.

“Hindi naman tayo aabot sa ganito kung binayaran n’yo ako nang maayos. Sa mga tao n’yo, Sir sana ayusin n’yo pagpapasahod sa mga tao. Kung tratuhin n’yo kami, Sir parang kung sino kami. Hindi n’yo alam kaming mga manggagawa maayos na mangagawa sa inyo, kung tratuhin n’yo kami iba,” dagdag pa ni Russel.

Photo courtesy of Odniemrud Eniger and Valenzuela City Fb page

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last